12/07/2025
Sipì mula sa 24 Hours of the Passion
Lingkod ng Diyos Luisa Piccarreta
IKA-LABINSIYAM NA ORAS
“...O, ang lahat ng masasamang gawaing ito ay napakabigat sa mga bisig ng Iyong Amang Makalangit na, hindi na Niya kayang pasanin ang bigat ng mga ito; ang Kaniyang mga bisig ay halos bumagsak upang ipawalan ang p**t at kaparusahan sa mundo. At Ikaw, O aking Jesus, upang agawin ang mga kaluluwa mula sa banal na p**t at dahil sa takot na makita silang mapuksa, Iyong iniunat ang Iyong mga bisig sa Iyong Ama upang tulungan Siyang pasanin ang bigat [ng ganoong masasamang gawa], at pinipigil at hinahadlangan Mo ang Banal na Katarungan na isakatuparan ang Kaniyang hatol. At upang mapakilos Mo ang puso ng Ama sa awa para sa kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan at upang palambutin ang Kaniyang Puso, sinasabi Mo sa Kaniya sa pinakamalambing at pinakamasidhing tinig:
“Aking Ama, tingnan Mo ang mga kamay na ito, napunit at napako, at ang mga pako na sumugat at tumuhog sa kanila dahil sa lahat ng masasamang gawa. O, sa mga kamay na ito ay nadarama Ko ang lahat ng panginginig at pighati na dulot ng ganoong masasamang gawa. O Ama, hindi ba sapat sa Iyo ang Aking mga pagdurusa? Hindi ba Ako karapat-dapat na maghandog sa Iyo ng lubos na kabayaran? Ang Aking mga nalinsad na bisig ay magiging tanikala upang mahigpit na yakapin ang mga dukhang kaluluwa upang hindi sila makatakas. Aking Ama, maliban sa mga pilit na naghahangad na kumalas mula sa Akin, ang Aking mga bisig ay magiging mga tanikalang puno ng pagmamahal na magbibigkis sa Iyo at pipigil sa Iyo na alisin sa Iyong paningin ang mga dukhang kaluluwang ito. Higit pa rito, patuloy Kong ilalapit sa Iyo ang mga kaluluwa upang maibuhos Mo sa kanila ang Iyong biyaya at awa!”
O aking Jesus, ang Iyong pag-ibig ay isang matamis na engkanto para sa akin, at hinihikayat akong gawin ang ginagawa Mo. Kaya, kasama Ka, at sa halaga man ng anumang pagdurusa, nais kong pigilan ang Banal na Katarungan na bumagsak sa kahabag-habag na sangkatauhan. Sa Dugong dumadaloy mula sa Iyong mga kamay, nais kong pawiin ang apoy ng kasalanan na pumupukaw sa p**t ng Diyos at humupa ang Kaniyang galit.
Upang mapakilos ang Ama na kahabagan ang Kaniyang mga anak, pahintulutan Mo akong ilagay sa Iyong mga bisig ang mga kirot at paghihirap ng lahat ng nilalang, ang mga daing ng napakaraming kaluluwang mahihirap at sugatan, at ang maraming pusong nagdadalamhati at inaapi. Pahintulutan Mo akong magpunta sa lahat ng mga kaluluwa at ilagay silang lahat sa Iyong mga bisig upang silang lahat ay makabalik sa Iyong Puso. Sa kapangyarihan ng Iyong mga malikhain at banal na kamay, pahintulutan Mo akong pigilin ang agos ng napakaraming masasamang gawa at gawin silang tumigil sa paggawa ng masama.”