
16/08/2025
Unang Sweldo, Inalay ni Gob Sol Para sa mga Batang Warriors na patuloy na lumalaban
Sta. Cruz Laguna — Ibinigay ni Gobernador Sol Aragones ang kanyang unang sweldo bilang tulong sa mga Batang Warriors—mga batang lumalaban sa cancer, autism, kidney disease, cerebral palsy, sakit sa puso, at iba pang malulubhang karamdaman. Ang donasyong ito ay gagamitin para sa therapy sessions, gamot, at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga bata.
Sa unang batch ng 14 benepisyaryo, tiniyak ni Gob Sol na hindi dito matatapos ang kanyang tulong. “May bibigay po ako sa inyo pang pa-therapy, pandagdag gastos ng mga bata. Tatawagin din natin ang 2nd at 3rd batch para matulungan,” aniya habang hinikayat ang mga magulang na magpakatatag at ang mga bata na patuloy na lumaban at magdasal.
Isang nanay ng benepisyaryo, si Maria, ang emosyonal na nagpasalamat kay Gob Sol. Aniya, “Si Gov. Sol, congressman pa lang, kadugsong na ng buhay ni Maria. Kaya ang buhay ni Maria ay kadugsong din ng serbisyo ni Gov. Sol Aragones.” Naalala rin niya kung paanong si Gob Sol ang nag-secure ng guarantee letter na nagpondo sa life-saving operation ng kanyang anak.
Lubos din ang pasasalamat ng Batang Warriors, na pinangungunahan nina Dels Alinsod, Redelyn Macandile, at Lilibeth Lazaga. Ayon kay Lazaga, “Ngayon lang po kami nakatanggap talaga formally ng tulong.” Para kay Gob Sol, ito ay bahagi ng kanyang pangakong GOByernong may SOLusyon—isang pamahalaang laging handang magbigay ng pag-asa at suporta sa mga pinaka-nangangailangan.
Via TALA CANDAZA
Sulong Laguna