
01/08/2025
Sa bawat paggising sa umaga, may mga taong hindi sigurado kung saan nga ba patutungo ang buhay nila. Tila ba sa kabila ng kanilang pagsusumikap, walang katiyakan kung may patutunguhan nga ba ang lahat ng paghihirap. Para sa ilan, ang mundo ay isang malawak at malabo na daan, puno ng pangamba, pagkabigo, at tanong na “Hanggang kailan ako magtitiis?” “Anong plano ko after maka graduate?” o “May direksyon ba ang buhay ko?”
Marami sa atin ay tahimik lang na lumalaban sa araw-araw. May kaniya kaniyang sariling laban na pinagdadaanan. Isang estudyanteng nagpupuyat para makadalo lamang sa klase sa kabila ng kakulangan sa tulog, isang empleyadong paulit-ulit na nagtatrabaho kahit pagod na pagod na, para lamang maitawid ang pangangailangan ng pamilya, isang taong dumaraan sa depresyon ngunit pinipiling bumangon sa bawat umaga.
Maraming gustong marating, mga landas nais tahakin. Ngunit sa bawat hakbang, sa bawat proseso, hindi maiiwasan na nalilito, natatakot, napapahingnaan ng loob. Sa dami ng pinipiling direksyon, unti-unti nilalamon ng takot: na baka sa kahahabol mo sa lahat, sa huli'y walang kang tunay na marating. At ang mas mabigat na pangamba—baka sa pagkaligaw, tuluyan din mawala ang sarili.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito ng pagkakaligaw, pagkalito, at kawalang-kasiguraduhan may iisang bagay na hindi kailan man namamatay. Ang pagkakaron ng pag-asa na aayon din sayo ang panahon. Walang permanente sa mundo.
Ang salitang Hiraya Manawari ay isang sinaunang katagang Pilipino na nangangahulugang “Nawa’y makamit mo ang iyong mga mithiin.” Isa itong paalala na kahit sa gitna ng dilim, may liwanag pa rin na naghihintay. Isa itong panalangin para sa bawat taong hindi alam kung saan sila patungo, balang araw, matagpuan mo ang sarili mong landas, at sa paglalakad mo rito, hindi mo lamang makakamtan ang tagumpay para sa sarili, kundi para rin sa lahat ng nagmahal at naniwala sa iyo.
Para sa mga tao na maraming beses nang nadapa, pero pinili pa ring bumangon. Para sa mga taong walang nakakaalam ng bigat ng dinadala nila, pero araw-araw nilalabanan ang katahimikan. Para sa mga taong kahit pagod na pagod na, ay may natitira pa ring konting lakas para mangarap. Hindi mo kailangang maliwanagan agad ang buong daan. Minsan, sapat na ang isang hakbang kahit pa alanganin, basta’t hindi sumusuko.
Hiraya Manawari—nawa’y makamit mo ang tagumpay. Hindi lamang para sa’yo, kundi para rin sa mga pusong tahimik na nananalangin, buong tapang na umaasa, at patuloy na naniniwalang ikaw ay itinadhanang magtagumpay.
At sa araw na iyon, kapag nakamit mo na, huwag kalimutang lumingon, kung sino ang nagdala sayong destinasyon walang iba kundi ikaw, ang sarili mo at ang mga taong naniniwala sayo.
𝐏𝐚𝐧𝐮𝐥𝐚𝐭 𝐧𝐢: Shaira May Ayuste
𝐃𝐢𝐛𝐮𝐡𝐨 𝐧𝐢: Lerin Ryza Margareth