
13/08/2025
𝐏𝐚𝐠𝐛𝐚𝐛𝐚𝐰𝐚𝐥 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐎𝐧𝐥𝐢𝐧𝐞 𝐆𝐚𝐦𝐛𝐥𝐢𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐤𝐚𝐰𝐚𝐧𝐢 𝐚𝐭 𝐨𝐩𝐢𝐬𝐲𝐚𝐥 𝐧𝐠 𝐋𝐨𝐤𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐦𝐚𝐡𝐚𝐥𝐚𝐚𝐧, 𝐢𝐩𝐢𝐧𝐚𝐠-𝐮𝐭𝐨𝐬 𝐧𝐠 𝐃𝐈𝐋𝐆
Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigpit na pagbabawal sa anumang uri ng online gambling para sa lahat ng kawani ng kanilang central at field offices, mga empleyado ng mga attached agencies, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan, bilang pagtupad sa kanilang etikal at legal na tungkulin bilang lingkod-bayan.
Batay sa Memorandum Circular No. 2025-082 na inilabas kahapon, Agosto 12, 2025, sakop ng kautusan ang mga opisyal sa antas ng lalawigan, lungsod, bayan, at barangay, gayundin ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), National Youth Commission (NYC), at iba pang ahensyang nasa ilalim ng DILG.
Ang sinumang lalabag ay maaaring masampahan ng kasong administratibo at kriminal alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Ilan sa mga legal na batayan ng kautusan ay ang 1987 Konstitusyon, Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Presidential Decree No. 1869. Nakasaad din sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service na ang conduct prejudicial to the best interest of the service ay isang mabigat na paglabag na maaaring magresulta sa suspensyon o tuluyang pagtanggal sa serbisyo.
Pinalawak din ng bagong memorandum ang naunang kautusan ng Office of the President noong 2016 (Memorandum Circular No. 06) na nagbabawal sa mga opisyal na pumasok sa mga casino maliban kung may kaugnayan sa opisyal na tungkulin.
Ayon sa DILG, ang paglaganap ng online gambling ay nagdadala ng kasingbigat, o higit pang banta, sa etika ng serbisyo publiko.
Batay sa mga ulat na natanggap ng kagawaran, ilang opisyal at kawani ng pamahalaan ang nasasangkot sa online betting, na anila ay sumisira sa tiwala ng publiko at kredibilidad ng serbisyo ng gobyerno.
Inatasan ng DILG ang lahat ng pinuno ng ahensya, opisina, at tanggapan na ipalaganap ang nilalaman ng memorandum at tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad nito sa kani-kanilang nasasakupan. Agad na ipinatupad ang kautusan matapos itong mailabas.