
26/05/2025
QUEZON CITY, IBA PANG LGU, NAGNANAIS TULARAN ANG GUICONSULTA HEALTHCARE PROGRAM NI GOV. GUICO
Nais ng Quezon City na tularan ang healthcare program ni Governor Ramon V. Guico III na tinatawag na GUICONSULTA, na layong mapalawak ang access ng mga mamamayan sa abot-kayang serbisyong medikal.
Inihayag ni Mayor Joy Belmonte ang kanyang plano na ipa-enroll ang lahat ng residente ng Quezon City sa Konsulta program ng PhilHealth, isang libreng outpatient package na may kasamang konsultasyon, health screening, ilang laboratory tests, at piling gamot sa mga accredited na pasilidad.
Ang hakbang na ito ay kahalintulad ng Konsulta-plus-Guiconsulta initiative na inilunsad sa Pangasinan noong huling bahagi ng 2024. Layunin ng administrasyon ni Governor Guico na maipa-enroll ang dalawang milyong Pangasinense sa PhilHealth Konsulta program—malaking pagtaas mula sa 30,000 na miyembro bago siya maupong gobernador noong Hulyo 2022.
“Mahigit 1 milyong kababayan natin ang na-enroll na po sa Philhealth Konsulta,” ani Guico. Ayon sa kanya, ang GUICONSULTA ang naging daan upang mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro at masuportahan ang gastusin sa pamasahe at pagkain ng mga residente sa pamamagitan ng Php300 na insentibo kada tao.
Kahit na naharap sa mga batikos at isyu ng maling impormasyon noong nakaraang halalan, nanindigan ang gobernador sa layuning gawing isa sa pinakamalusog na lalawigan ang Pangasinan.
Nilinaw ni PhilHealth Regional Vice President Dennis B. Adre na walang pondong direktang ibinigay ang kanilang ahensya sa pamahalaang panlalawigan para sa programang ito.
Ngayon, tinitingnan na rin ng iba pang lokal na pamahalaan ang GUICONSULTA bilang isang modelo sa pagpapatupad ng komunidad-based na healthcare program.
Source: Province of Pangasinan