01/02/2025
LIBO-LIBONG RESIDENTE, NABIBENEPISYO SA KONSULTA+ GUICONSULTA SA URBIZTONDO
Masayang sinalubong ng libu-libong residente ng bayan ng Urbiztondo ang pagdating ng Konsulta+ Guiconsulta, isang programang pangkalusugan na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Ramon V. Guico III.
Ayon kay Gov. Guico, layunin ng programa na matulungan ang mga residente, lalo na ang mga walang PhilHealth o hindi makabayad ng kontribusyon. “Kapag kayo ay nairehistro, sakop na kayo ng PhilHealth mula Enero 28, 2025, hanggang Enero 2026,” aniya.
Sa ilalim ng programa, nakatanggap ang mga residente ng libreng konsultasyon, check-up, bitamina, at gamot. Bukod dito, nagbigay rin ang GUICOnsulta ng cash incentives bilang tulong-pinansyal sa mga benepisyaryo.
Hindi lamang pangkalusugang serbisyo ang hatid ng pamahalaan—mayroon ding libreng veterinary services, pamamahagi ng seedlings, bunot, mga libro at laruan para sa mga Day Care Centers, at masustansyang lugaw mula sa GUICOSINA.
Nagpasalamat si Mayor Modesto Operaña sa probinsya sa hatid na libreng serbisyo. “Mabuti at dinala ni Governor Guico ang programang ito sa ating bayan. Salamat din kina Vice Governor Mark Lambino at sa mga Board Members na narito upang tiyaking lahat ay marehistro at makakuha ng tulong,” aniya.
Kasama ni Governor Guico sa programa sina Vice Governor Mark Lambino, Board Member Atty. Haidee Pacheco, Board Member Philip Theodore Cruz, Abono Partylist Rep. Dr. Bobby Estrella, at Vice Mayor Volter Balolong II.
Tumulong din sa programa ang iba't ibang pampublikong ospital sa Pangasinan tulad ng Bayambang District Hospital, Mangatarem District Hospital, at Pangasinan Provincial Hospital, katuwang ang LGUs, Barangay Health Workers, at iba pang tanggapan ng kapitolyo.
Source/Photo:Province of Pangasinan/Facebook Post