12/12/2025
Inaasahang daragsa simula Sabado, Disyembre 13, ang mahigit 23,000 scout mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa Asya para sa 33rd Asia-Pacific Regional Scout Jamboree (APRSJ) na gaganapin sa Botolan, Zambales.
Ang prestihiyosong pagtitipon, na nagbibigay pagkakataon sa mga kabataang scout edad 12 hanggang 17 na makaranas ng internasyonal na pakikipagkaibigan at palitan ng kultura, ay pangungunahan ngayong taon ng Boy Scouts of the Philippines (BSP). Gaganapin ito mula Disyembre 14 hanggang 21 sa Kainomayan Scout Camp sa Barangay San Juan.
Magsisimula ang pagdating ng mga delegado mula Disyembre 13 hanggang 14 sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport at Clark International Airport. Inihanda na rin ang shuttle services na maghahatid sa kanila patungo sa kampo sa Botolan.
Inaasahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya ring Chief Scout ng BSP, na pangunahan ang opisyal na pagbubukas ng jamboree at magsilbing keynote speaker sa programang nakatakda sa Disyembre 15.
Ayon kay Alcade Fallorin, chairperson ng Ramon Magsaysay Zambales Council na host ng APRSJ ngayong taon, puspusan ang mga paghahanda para sa pagdating ng libo-libong kalahok.
“The camp is ready for the campers’ arrival, with the Philippine National Police, Armed Forces of the Philippine, Philippine Navy, and other teams already on-site. Health and security teams are also commencing their setup,” ani Fallorin sa isang panayam noong Biyernes.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin sa Zambales ang naturang jamboree isang malaking pagtitipon na layong isulong ang pagkakaibigan, pamumuno ng kabataan, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapalitan ng kultura sa pagitan ng mga scout mula sa iba’t ibang bansa.