23/02/2026
WALANG USAPANG KOALISYON SA MARCOS ADMINISTRATION, GIIT NI REP. EGAY ERICE
Mariing itinanggi ni House Senior Deputy Minority Leader Rep. Egay Erice ang kumakalat na haka-haka tungkol sa umano’y pakikipag-usap ng Liberal Party sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos para sa isang posibleng koalisyon.
Sa isang panayam sa programang Ted Failon at DJ Chacha sa Radyo 5, nilinaw ni Erice na walang nagaganap na pormal na pag-uusap, lalo na pagdating sa isyu ng pagsasanib-puwersa.
Ayon sa kanya, wala umanong naging opisyal na komunikasyon ang kanilang partido kaugnay ng anumang koalisyon, at mas lalong walang konkretong hakbang patungo rito. “Wala kaming formal na pag-uusap tungkol sa coalition. Malayo ‘yan sa katotohanan,” diin niya.
Idinagdag pa ni Erice na para sa kanila, tila hindi katanggap-tanggap ang ideya ng pakikipag-alyansa sa kasalukuyang administrasyon. Sa isang matapang na pahayag, sinabi pa niyang para bang pati ang kanilang mga yumaong lider ay “magbabangon” kung sakaling makipagkoalisyon sila sa kampo ng Pangulo.