20/08/2026
Nang pumutok ang Bulkang Taal noong 2020, nagbuga ito ng napakaraming abo na kumalat sa mga karatig na lugar. Dahil mapanganib sa kalusugan ng tao ang abong bulkaniko, nakaaapekto sa transportasyon, at nakapipinsala sa agrikultura at imprastraktura, mahalagang matukoy kung paano ito kakalat kapag sumabog ang bulkan at kung saan ito posibleng mapunta upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao at mabawasan ang mga posibleng pinsala.
Nagsagawa sina Ken Matthew Oliva, Dr. Reinier Mendoza, Dr. Rhudaina Mohammad, at Dr. Arrianne Crystal Velasco ng UP Diliman Institute of Mathematics at UP Diliman Natural Sciences Research Institute ng simulasyon upang pag-aralan kung paano kumakalat sa atmospera ang abo mula sa Bulkang Taal. Tinantiya nila ang diffusion rate o bilis ng pagkalat ng abo gamit ang tatlong pamamaraan.
Una, nagtakda sila ng batayang sukatan sa pamamagitan ng maraming simulasyon. Pagkatapos, ginamit nila ang least squares method upang maiangkop ang numerikal na solusyon sa mga profile ng konsentrasyon ng abo. Bagama't naging epektibo ang pamamaraang ito kung wasto at kumpleto ang mga datos, nabawasan ang katumpakan nito nang lagyan ng 5% ingay (noise) ang datos. Ipinakita nito na sensitibo ang inverse estimation process sa pagsukat ng saklaw ng halaga.
Bilang panghuli, iminungkahi nila ang ikatlong pamamaraan na gumagamit ng datos mula sa satellite brightness temperature. Nagbigay ito ng mga pagtataya ng diffusion na tugma sa mga batayang simulasyon. Ang nabuong diffusion rate ay maaaring makatulong sa pagkalkula sa direksyon at lawak ng pagkalat ng abo mula sa bulkan.
Link sa pag-aaral: https://philjournalsci.dost.gov.ph/modeling-the-dispersion-of-taal-volcanic-ash-using-the-advection-diffusion-equation/
Ang Science Flash ng College of Science ay ginawa para ibahagi, sa mas simple at mabilis na paraan, ang mga bagong pag-aaral ng ating mga siyentipiko. Kung may gustong panayam o may tanong para sa media, mag-email lang sa media(at)science.upd.edu.ph.
Isinalin ni: Dr. Rovin Santos