
18/07/2025
MAYOR JOJO FRANCISCO, NAGBABALA SA PATULOY NA PAGTAAS NG VEHICULAR ACCIDENTS SA LABO; NANAWAGAN SA RESPOSABLENG PAGMAMANEHO
Nagbabala si Mayor Jojo Francisco sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga vehicular accidents sa kanilang bayan batay sa pinakahuling Comparative Report of Incidents Responded (per quarter) ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Ayon sa ulat, mula sa 269 na kaso noong 2023, umakyat ito sa 306 na kaso noong 2024. Sa taong 2025, nakapagtala na ng 118 kaso mula Enero hanggang Mayo 31 pa lamang.
Narito ang comparative breakdown ng mga sanhi ng aksidente (2024 vs 2025 - January to May):
With Positive Alcoholic Breath: Bumaba mula 134 kaso (2024) tungo sa 35 kaso (2025).
Overspeeding / Road Condition: Bumaba mula 41 kaso (2024) tungo sa 24 kaso (2025).
Stray Animals: Bumaba mula 30 kaso (2024) tungo sa 12 kaso (2025).
Bagama't may pagbaba sa ilang sanhi, nanawagan si Mayor Francisco na maging maingat ang lahat, dahil posibleng lumampas pa ang kabuuang bilang ng aksidente ngayong taon kung magpapatuloy ang trend.
Dahil dito, muling nanawagan ang alkalde sa sumusunod:
Pagsunod sa mga alituntunin ng LTO: Kabilang dito ang tamang bilis, paggamit ng helmet at seatbelt, at pag-iwas sa pagmamaneho nang lasing.
Pairalin ang defensive driving: Alalahanin na hindi lang sarili ang dapat protektahan kundi pati ang ibang motorista at pedestrian.
Itigil ang pagiging kamote rider: Ang pagmamadali at paglabag sa batas trapiko ay maaaring mauwi sa trahedya.
Tiniyak ng Mayor na aktibong tumutugon at nagmomonitor ang MDRRMO at PNP sa mga insidente, ngunit mas makakabuti kung mapipigilan ang aksidente bago pa man mangyari. Hinihikayat din niya ang Land Transportation Office (LTO) na maging mas mahigpit at masusi sa pagbibigay ng lisensya upang tanging mga karapat-dapat at responsableng motorista lamang ang pahintulutang magmaneho.
Binigyang-diin ni Mayor Francisco na ang kaligtasan ng bawat isa ay responsibilidad ng lahat, at nanawagan siyang magsama-sama para sa mas ligtas na kalsada sa buong bayan ng Labo.