99.7 One Radio News FM Daet

  • Home
  • 99.7 One Radio News FM Daet

99.7 One Radio News FM Daet Patas na maghahatid ng mga balita at tamang impormasyon. Magsisilbing tulay at boses para sa iisang hangarin na makapaglingkod sa bayan.

One Music, One Voice, One Mission, One Radio

This is 99.7 One Radio News FM Daet, "Basta One, The Best Yan!

LALAKING RANK 4 REGIONAL MOST WANTED, ARESTADO SA TALISAYArestado ang isang lalaki na nakalista bilang Rank 4 Regional M...
11/08/2025

LALAKING RANK 4 REGIONAL MOST WANTED, ARESTADO SA TALISAY

Arestado ang isang lalaki na nakalista bilang Rank 4 Regional Most Wanted Person sa Bicol dakong ala-1:00 ng hapon sa Talisay, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si Alyas Teddy, 38, na may asawa at magsasaka mula sa Jose Panganiban. Dinakip siya sa bisa ng warrant of arrest para sa pitong kaso ng Statutory R**e na walang inirekomendang piyansa.
Ang operasyon ay pinagsamang-puwersa ng Talisay MPS, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Regional Mobile Force Battalion 5 (RMFB5).

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Talisay MPS ang suspek habang inaayos ang kaukulang disposisyon at proseso ng batas. Bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa mga wanted person.

MUSEUM CURATOR SIR ABEL ICATLO AT KANYANG KAPATID NA SI DR. FAUSTINO ICATLO JR., PINARANGALAN NG UP ALUMNI ASSOCIATIONKi...
11/08/2025

MUSEUM CURATOR SIR ABEL ICATLO AT KANYANG KAPATID NA SI DR. FAUSTINO ICATLO JR., PINARANGALAN NG UP ALUMNI ASSOCIATION

Kinilala ng University of the Philippines Alumni Association ang magkapatid na Camortenyong sina G. Abel C. Icatlo, Tagapangasiwa ng Museo Bulawan, at si Dr. Faustino C. Icatlo Jr.

Si G. Abel Icatlo ay kinilala bilang distinguished alumni para sa kanyang natatanging ambag sa larangan ng Kultura at Sining. Samantala, si Dr. Faustino Icatlo naman ay kinilala para sa kanyang mahalagang kontribusyon sa Agham at Teknolohiya.

Gaganapin ang UPAA Awards sa Agosto 16 sa Ang Bahay ng Alumni sa UP Diliman, Quezon City. Ang tagumpay ng magkapatid ay nagsisilbing inspirasyon at patunay ng sipag at dedikasyon ng mga Pilipino na nag-ambag sa pag-unlad ng lipunan.

Kahapon sa regular flag raising ceremony, nagpaabot ng pagbati ang pamahalaang panlalawigan sa dalawang ipinagmamalaking anak ng Camarines Norte.

KONSEHAL ONING NG LABO, MULING NAHALAL BILANG PRESIDENTE NG PCL-CAMARINES NORTE NANG WALANG KALABAN.Muling nahalal si Co...
11/08/2025

KONSEHAL ONING NG LABO, MULING NAHALAL BILANG PRESIDENTE NG PCL-CAMARINES NORTE NANG WALANG KALABAN.

Muling nahalal si Councilor Rey Kenneth Oning ng Labo bilang presidente ng Philippine Councilors League (PCL) - Camarines Norte Chapter. Nagpasalamat ang konsehal sa muling pagtitiwala ng mga konsehal sa labindalawang bayan at nangakong patuloy na magsisilbi para sa kapakanan ng liga at ng komunidad.

Sa isang hiwalay na panayam, ipinaliwanag ni DILG Camarines Norte Provincial Director Melody Relucio ang kahalagahan ng liga. Aniya, ang PCL ay nagsisilbing boses ng mga konsehal upang maisulong ang kanilang mga adbokasiya, makapagpasa ng mga ordinansa, at maiparating ang mga isyu mula sa munisipyo patungo sa mas mataas na antas ng pamahalaan.

Nilinaw din ni Relucio na ang mga opisyal ng PCL ay may "dual representation," na nangangahulugang mananatili sila sa kanilang posisyon bilang konsehal habang nagsisilbi ring kinatawan ng liga. Subalit pagbibigay diin ng opisyal na hindi double compensation ang matatanggap ng mga ito, kundi ang "difference" lamang sa sahod ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Bayan.

Samantala, sinabi ni Oning na magpapatuloy ang kanilang mga buwanang pagpupulong at outreach activities sa iba't ibang bayan ng probinsya. Tiniyak niya na ang kanyang mga prayoridad ay naka-align sa paniniwala ng gobernador na laging tinitingnan ang kapakinabangan ng nakararami.

Magugunitang bago ang election, boluntaryong binitawan ni Oning ang lahat ng kanyang Committee Chairmanship sa Sangguniang panlalawigan bilang pagbibigay respeto sa kapulungan.

ISA PATAY, APAT SUGATAN SA BANGGAAN NG DALAWANG MOTORSIKLO SA LABOIsang lalaki ang nasawi habang apat pa ang nasugatan m...
10/08/2025

ISA PATAY, APAT SUGATAN SA BANGGAAN NG DALAWANG MOTORSIKLO SA LABO

Isang lalaki ang nasawi habang apat pa ang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Barangay San Francisco, Labo, nitong gabi ng Agosto 9, 2025.

Ayon sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-11:10 ng gabi nang mabangga ang isang Suzuki Burgman na minamaneho ni alyas "Boy," 22, mula sa likuran ng isang Suzuki Smash na minamaneho naman ni alyas "Ben," 33.

Kasama ni Boy sa motorsiklo sina alyas "Rex," 48, at alyas "Toni," 14, habang si alyas "Ray" ang angkas ni Ben. Parehong patungo sa bayan ng Labo ang dalawang motorsiklo. Nang liliko sana pakaliwa ang motorsiklo ni Boy, doon ito nabangga ng motorsiklo ni Ben.

Agad na dinala ang lahat ng mga sakay sa ospital para malapatan ng lunas. Gayunpaman, idineklara si alyas Ray na dead on arrival sa Labo District Hospital bandang alas-11:59 ng gabi.

Napag-alaman na walang suot na helmet ang lahat ng sangkot sa aksidente. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Labo Municipal Police Station (MPS). Muling nagpaalala si PMAJ John C. Villafuerte, hepe ng Labo MPS, sa mga motorista na sumunod sa batas-trapiko at magsuot ng helmet upang maiwasan ang mga ganitong trahedya.

PAGGAWA NG KANDILA, ITINURO SA MGA MIYEMBRO NG 4H-CLUB SA DAET; PAANO MAKAKATULONG ANG 'VALUE ADDING' SA KITA?Isang live...
10/08/2025

PAGGAWA NG KANDILA, ITINURO SA MGA MIYEMBRO NG 4H-CLUB SA DAET; PAANO MAKAKATULONG ANG 'VALUE ADDING' SA KITA?

Isang livelihood training para sa mga miyembro ng 4H-club ang isinagawa sa Daet, na nakatuon sa pagtuturo ng "candle making" o paggawa ng kandila.

Ayon kay Agricultural Technologist Marjorie Madera, layunin ng training na hikayatin ang kabataan na makilahok hindi lang sa agrikultura, kundi ay matuto rin ng mga paraan upang makapagdagdag-kita. Aniya, malaki ang potensyal ng mga miyembro ng 4H Club na matuto sa paggawa ng kandila lalo na tuwing 'peak season' tulad ng Undas, kung saan nagtataas ang presyo ng kandila.

Ipinaliwanag ni Madera na hindi kailangan ng malaking kapital sa paggawa ng kandila. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng "value adding strategy," tulad ng paglalagay sa magandang packaging, na makapagpapataas sa halaga ng produkto at sa posibleng kikitain ng mga kabataan.

NATURAL FARMING TECHNOLOGY, ITINURO SA MGA MAGSASAKA SA CAMARINES NORTENagsagawa ang Office of the Provincial Agricultur...
10/08/2025

NATURAL FARMING TECHNOLOGY, ITINURO SA MGA MAGSASAKA SA CAMARINES NORTE

Nagsagawa ang Office of the Provincial Agriculturist ng Camarines Norte ng pagsasanay sa "Natural Farming Technology System" upang turuan ang mga magsasaka tungkol sa organikong pamamaraan ng pagsasaka.
Ayon kay Mary Ann Villalon mula sa Office of the Provincial Agriculturist, layunin ng training na maipaunawa sa mga magsasaka ang kahalagahan ng paggamit ng mga organic fertilizer. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng alternatibo sakaling hindi na nila kayanin ang presyo ng mga chemical na pataba.

Sinabi ni Villalon na tinuruan ang mga magsasaka na gumawa ng sarili nilang pataba mula sa mga bagay na matatagpuan sa kanilang kapaligiran, tulad ng mga basura. Kabilang sa mga aktibidad ang paggawa ng mga concoction tulad ng fermented fruit juice at fermented plant juice.

Ang pagsasanay ay dinaluhan ng mga magsasaka mula sa Daet, San Vicente, at Talisay sa unang batch, habang ang ikalawang batch ay mga magsasaka sa Vinzons at Paracale.

Sa panayam, sinabi ni Leony Labanairi, isang magsasaka mula sa San Vicente, na malaki ang naitutulong ng natural farming dahil hindi nagiging acidic ang lupa at mas nagiging malusog ang mga pananim. Naging malaking tulong din aniya ang pagsasaka para mapagtapos niya ang kanyang limang anak, kung saan ang panganay ay nagtatrabaho na sa agrarian sector, habang ang iba naman ay nasa kolehiyo at senior high school.

Naniniwala si Ginang Leony na malaking tulong ang pag-unawa sa natural farming, at payo niya sa kanyang mga anak na huwag kalimutan ang pagtatanim. Aniya, mas nagiging magaan ang pamumuhay kung may sariling tanim.

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, PLANONG MAGBIGAY NG BREATH ANALYZER SA MGA PULIS PARA MASUGPO ANG DRUNK DRIVINGPlano ng Sanggu...
10/08/2025

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, PLANONG MAGBIGAY NG BREATH ANALYZER SA MGA PULIS PARA MASUGPO ANG DRUNK DRIVING

Plano ng Sangguniang Panlalawigan na magbigay ng mga breath analyzer sa lahat ng municipal police stations sa Camarines Norte bilang tugon sa dumaraming aksidente na dulot ng drunk driving.

Iminungkahi ni Board Member John Carlo De lima ang ideya matapos niyang matuklasan na walang sapat na kagamitan ang mga pulisya para ipatupad ang Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act. Ayon kay De lima, halos karamihan sa mga aksidente sa lalawigan ay kinasasangkutan ng mga drayber na nakainom.

Dahil sa kakulangan ng kagamitan, iminungkahi ni Delima sa tanggapan ng gobernador na bilhin ang 12 breath analyzer, isa para sa bawat munisipyo. Naniniwala siyang sa pamamagitan nito, masisiguro na ang mga drayber ay hindi nakainom, na inaasahang magpapababa sa insidente ng vehicular accidents.

Binanggit din ni Delima na ang hakbang na ito ay alinsunod sa patuloy na pagsuporta ng probinsya sa kapulisan, tulad ng suportang ibinibigay ni Governor D**g Padilla sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO).

DALAWANG LALAKI, TIKLO SA BUY-BUST OPERATION SA MERCEDES; DROGA AT BARIL, NASAMSAMArestado ang dalawang lalaki sa isinag...
10/08/2025

DALAWANG LALAKI, TIKLO SA BUY-BUST OPERATION SA MERCEDES; DROGA AT BARIL, NASAMSAM

Arestado ang dalawang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya nitong gabi ng Agosto 9, 2025, bandang alas-7:44. Ginanap ang operasyon sa bayan ng Mercedes.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas "Ding," 52, isang construction worker, at alyas "Sam," 50, na parehong residente ng bayan ng Mercedes.

Ang operasyon ay pinagsanib na puwersa ng Mercedes Police Drug Enforcement Unit, CNPPDEU, CNPIU, CN 1st PMFC, at 503rd MC ng RMFB5, sa ilalim ng superbisyon ni PCPT Arthur S. Borja, at sa koordinasyon ng PDEA.

Nakuha mula sa mga suspek ang kabuuang 16 na plastic sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 7.04 gramo at tinatayang market value na ₱47,872.00. Bukod pa rito, nasamsam din ang isang ₱500 marked money at isang cal. 38 revolver na may apat na bala.

Isinagawa ang inventory ng mga ebidensya sa harap ng mga mandatory witness mula sa barangay at media. Kasalukuyang inihahanda ng pulisya ang mga kaukulang kaso para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iba pang kaugnay na batas laban sa mga suspek.

30/07/2025

Sitwasyon ngayon (1:19 PM) sa Bagasbas, Daet Camarines Norte sa kabila ng Tsunami Alert.

MINOR SEA-LEVEL DISTURBANCE, POSIBLENG MAGANAP SA MGA BAYBAYING DAGAT NG PILIPINAS (KASAMA ANG CAMARINES NORTE) NGAYONG ...
30/07/2025

MINOR SEA-LEVEL DISTURBANCE, POSIBLENG MAGANAP SA MGA BAYBAYING DAGAT NG PILIPINAS (KASAMA ANG CAMARINES NORTE) NGAYONG HULYO 30, 2025 DAHIL SA NANGYARING LINDOL SA RUSSIA.

Naglabas ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Miyerkules, Hulyo 30, 2025, hinggil sa posibleng minor sea-level disturbance sa mga baybaying dagat ng Pilipinas na nakaharap sa Karagatang Pasipiko. Ito ay kasunod ng malakas na lindol na may magnitude na 8.7 na tumama sa baybayin ng Kamchatka, Russia kaninang alas-7:25 ng umaga.

Ayon sa PHIVOLCS Tsunami Information No. 2, batay sa magnitude calculation at tsunami wave models mula sa Pacific Tsunami Warning Center, inaasahang ang taas ng alon ng tsunami sa ating bansa ay mas mababa sa isang (1) metro.

INAASAHANG ORAS NG PAGDATING NG UNANG ALON:
* Sa pagitan ng alas-1:20 ng hapon (1:20 PM) at alas-2:40 ng hapon (2:40 PM) ngayong Hulyo 30, 2025 (PST).
Nilinaw ng PHIVOLCS na ang unang alon ay maaaring hindi ang pinakamalaki, at posibleng magpatuloy ang pagdating ng mga alon sa loob ng ilang oras.

Pinapayuhan ang publiko na MANATILI SA MALAYO MULA SA DALAMPASIGAN AT HUWAG LUMAPIT SA BAYBAYIN ng mga sumusunod na lalawigan hangga't hindi pa binabawi ang advisory na ito:
* Batanes Group of Islands
* Cagayan
* Isabela
* Aurora
* Quezon
* Camarines Norte
* Camarines Sur
* Albay
* Sorsogon
* Catanduanes
* Northern Samar
* Eastern Samar
* Leyte
* Southern Leyte
* Dinagat Islands
* Surigao del Norte
* Surigao del Sur
* Davao del Norte
* Davao Oriental
* Davao Occidental
* Davao del Sur
* Davao de Oro

Ang mga kabahayan na matatagpuan malapit sa baybayin ng mga nabanggit na lalawigan ay pinapayuhang LUMIPAT SA MAS MATAAS NA LUGAR SA LOOB NG LUPA.

Ang mga may-ari ng bangka sa mga daungan, estero, o mababaw na bahagi ng baybayin ay pinapayuhang ILIGTAS ANG KANILANG MGA BANGKA AT ILAYO SA WATERFRONT. Para naman sa mga bangkang kasalukuyang nasa laot, pinapayuhan silang manatili sa malalim na bahagi ng dagat hangga’t hindi pa naglalabas ng karagdagang abiso.
Ang Tsunami Information No. 2 na ito ay inilabas alas-9:22:38 ng umaga ngayong Hulyo 30, 2025.

Address


Alerts

Be the first to know and let us send you an email when 99.7 One Radio News FM Daet posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Business

Send a message to 99.7 One Radio News FM Daet:

  • Want your business to be the top-listed Media Company?

Share