
18/09/2025
Inaresto ng mga awtoridad ang isang 46-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril habang nakasuot ng uniporme ng PNP kahit hindi naman siya miyembro ng kapulisan. sa Barangay Tanza Uno, Navotas City, nitong Linggo ng umaga, Setyembre 14.
Habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya sa isang eskinita, napansin ng mga pulis ang kahina-hinalang pananamit ng lalaki.
Nakasuot ito ng police uniform na ipinareha lamang sa shorts, bagay na tinukoy ng mga awtoridad bilang improper uniform.
“Actually nakaupo siya. Napansin na red flag agad is naka-camouflage siya na green. ‘Yan ‘yung ginagamit ng ating mga mobile forces. Another red flag doon is ‘yung tattoo niya sa left which is visible. ‘Yung mga pulis kasi natin, may tattoo man ‘yan, usually hindi sila naka-expose,” saad ni Police Colonel Renante Pinuela, officer-In-charge ng Navotas City Police Station.
Sa paunang imbestigasyon, agad inamin ng suspek na hindi siya pulis.
Gayunpaman, tumanggi siyang ipaliwanag kung bakit siya nakasuot ng police uniform at kung saan niya ito nakuha.
Nang kapkapan, natuklasan sa kanyang pag-iingat ang isang baril na walang kaukulang dokumento o lisensya.
Karagdagang impormasyon mula sa pulisya ang nagsabing dati na itong nakulong noong 2016 dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
“Nasintensyahan siya ng four years, noong 2021 siya nakalaya. We’ve also found out na mayroon siyang isa pang pending warrant of arrest for Anti-Loitering doon sa may Malabon court naman,” pahayag pa ni PCol. Pinuela.
Ang nasamsam na baril ay isinasailalim na ngayon sa ballistic examination upang alamin kung ito ay ginamit sa anumang krimen.
Tumangging magbigay ng karagdagang pahayag ang suspek.
Kasalukuyan na siyang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code o Illegal Use of Uniform or Insignia at Republic Act 10591 o Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act.
Source: ABS-CBN News
Photo: Navotas City Police Station/Facebook