21/07/2025
KNHS, nagdaos ng medical check-up para sa mga manlalaro
Naglunsad ang Kaong National High School (KNHS) ng medical check-up para sa mga estudyanteng maglalaro para sa nalalapit na intramurals.
Alinsunod sa paghahanda para sa intrams, isinagawa ang pagsusuri ng blood pressure (BP) sa mga estudyanteng manlalaro bilang bahagi ng kinakailangang medical check-up.
Idinaos ang medical check-up noong ika-15 ng Hulyo hanggang Hulyo 16 upang matiyak ang kalusugan ng bawat kalahok sa pagsisimula ng intrams sa ika-21 ng Hulyo.
“Para malaman kung may problema, gaya ng mataas na presyon ng dugo, mahalaga ang maagang pagmo-monitor. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang mga panganib habang naglalaro at agad matutukoy ang anumang komplikasyon,” ayon kay Russel Obrador, 19 taong gulang at kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Nursing (BSN) sa University of Perpetual Help System.
Bukod sa layuning matiyak ang kalusugan ng mga kalahok, ang medical check-up ay bahagi rin ng mga pangunahing alituntunin ng paaralan bago pahintulutang makilahok ang mga mag-aaral sa mga palaro.
“Hindi na po sila makakapaglaro kung hindi sila nakapag-medical. Isa ito sa mga requirements—unang-una na requirements para makalaro sila sa intrams,” ani Gng. Alicia Mojica Obrador, g**o ng MAPEH 7 sa KNHS.
Dagdag pa niya, naging maayos ang takbo ng pagsusuri sa kabila ng ilang hamon sa koordinasyon.
“Naging maayos at smooth naman ang ating medical check-up. Ang pangunahing pagsusuri ay ang pagkuha ng BP. Ang tanging hamon na naranasan ko ay ang ingay ng mga bata, na nagdulot ng kahirapan sa pagdinig sa mga tagubilin, ngunit ito ay tolerable naman,” paliwanag niya.
Sa panig naman ng mga estudyante, magkakaiba ang kanilang naging karanasan.
“Okay naman, pero parang kinabahan ako. Pero sa kabuuan, ayos lang,” saad ni Renato II B. Dandan, KNHS Supreme Secondary Learner Government (SSLG) President, School Year (SY) 2025-2026.
Ibinahagi naman ni Marc Clarence M. Dy, 14 taong gulang na Grade 10 student, ang kanyang paghahanda para sa check-up.
“Iniwasan kong magpuyat, kumain ng late, at pabayaan ang sarili ko para walang error na makuha,” aniya.
Para kay Xhun Aezyquiel L. Dizon, presidente ng KNHS Dance Company o PEP Squad, normal na bahagi na ng taon-taong paghahanda ang ganitong proseso.
“Sanay na ako sa ganitong proseso dahil taon-taon naman ito ginagawa,” pahayag niya.
Ayon sa mga Barangay Health Worker (BHW), kung mataas ang BP, kinakailangan munang magpahinga, uminom ng tubig, at makaihi bago muling sukatin ang BP—kung hindi pa rin ito bumababa, ito ay ire-refer sa health center upang mabigyan ng tamang lunas at gamot.
Samantala, ibinahagi ng mga BHW na sina Virgie Pagsaligan, 26 taong gulang, at Grace Pasco, 39 taong gulang, ang mga posibleng mangyari kapag mataas o mababa ang presyon ng dugo at kung ano ang kailangang gawin sa mga ganitong sitwasyon.
Balita ni: Elaine Z. Canlong
Mga larawan nina: Mia Grace B. Camarista at Sunshine A. Castillo
Iwinasto ni: Nathan Jade G. Sulit