30/10/2025
CDRRMO: POSIBLENG TSUNAMI, BINABANTAYAN SA PUERTO PRINCESA
Posibleng maranasan ng Puerto Princesa ang epekto ng tsunami sakaling magkaroon ng malakas na lindol sa mga karatig na lugar ng lungsod.
Ayon kay April Sharmaine Caringal ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), bagaman walang fault line at hindi itinuturing na earthquake-prone area ang lungsod, maaari pa ring makaranas ng aftershocks gaya ng biglaang pagtaas ng tubig-dagat o tsunami.
Kaugnay nito, bukod sa mga regular na earthquake drill at iba pang pagsasanay para sa paghahanda sa lindol, nakatuon na rin ang CDRRMO sa pagsasanay sa pagresponde sa posibleng tsunami.
Nagsasagawa na rin ng assessment ang ahensya sa mga lugar na maaaring tamaan ng tsunami upang matukoy ang mga kinakailangang hakbang sakaling mangyari ito.
Plano rin ng CDRRMO na magsagawa ng tsunami dry run, katulad ng mga earthquake drill, na tututok sa mga residente sa mga dalampasigan o coastal areas upang mapalakas ang kahandaan ng komunidad sa ganitong uri ng sakuna.
via Samuel Macmac
| File Photo: Hindu Times