07/09/2025
Sa Pila ng Pag-asa
(Long post ahead)
Oras ang pinakamahalagang bagay para sa isang cancer patient. Noong ma-diagnose ako ng stage 4 colon cancer, diretsahan akong sinabihan ng doktor na may ilang linggo o buwan na lang akong mabubuhay kung hindi agad ako maooperahan. Bigla, ang bawat araw ay naging hiram, bawat minuto ay may kahulugan. Sa isip ko, gusto kong gugulin ang natitirang oras kasama ang pamilya, o sa mga bagay na biglang naging mahalaga. Ngunit sa ating healthcare system, ang pinakamahalagang yaman na ito ang unang nauubos—sa pila, lalo na kung nasa pampublikong ospital ka.
Dahil sa sinabi ng doktor na kailangan akong maoperahan agad, akala ko bibilis ang lahat. Ngunit iba pala ang realidad. Habang dinadaga ang dibdib sa kaba at sinusundot ng pangamba, lalo pang tumitindi ang stress sa paghihintay ng resulta. Bago makumpirma ang diagnosis, isang linggo ang hinintay para sa biopsy. Dalawa o tatlong araw para sa CT scan. At kamakailan lang, halos tatlong buwan bago lumabas ang PET scan. Para sa pasyenteng sinabihan na baka wala nang ganung katagal, ang ganitong antala ay hindi katanggap-tanggap.
Sa awa ng Diyos, halos tatlong taon na mula nang ako’y ma-diagnose. Ngunit kung may pagbabago man sa sistema, halos hindi ito ramdam.
Sa ibang pampublikong ospital, ilang linggo o buwan bago ka pa lang makakuha ng hospital card para makapagpakonsulta. At kahit may card ka na, panibagong hamon ang napakahabang pila. Nasubukan ko rin ito: alas-sais pa lang ng umaga, naroon na kami. Pero pasado alas-dos na nang makausap ang doktor, at wala pang dalawampung minuto kaming nakausap. Ni-refer kami sa surgeon na isang beses lang sa isang linggo ang iskedyul, at malamang ay hihingi pa ng panibagong test o scan. Panibagong pila. Panibagong gastos. Para sa pasyenteng binibilang ang natitirang araw, baka sa pila na lang maubos ito.
Sinuwerte ako at nakahanap ng ibang pampublikong ospital at koneksyon, kaya’t mabilis akong naisalang sa operasyon. Pero hindi ko makakalimutan ang mga nakasama ko sa ward, mga pasyenteng ilang linggo o buwan nang naghihintay, wala pa ring tiyak na iskedyul. Habang umaagos ang oras, kasabay ding nauupos ang pag-asa.
At matapos ang operasyon, hindi pa tapos ang kalbaryo. Sa chemotherapy, nagsisimula ang pila bago pa sumikat ang araw. Alas-siyete ang umpisa ng bigayan ng numero, pero dagsa na ang tao. Mula checkup, laboratory, pharmacy, billing, hanggang sa mismong chemo, bawat hakbang ay may pila. Minsan alas-nuwebe o alas-diyes na bago maisalang. At sa dulo, nakaupo ako sa monobloc kasama ang dalawampu o higit pang pasyente, magkakatabi na parang mga estudyanteng naghihintay ng pagsusulit. Ngunit ang totoong sinusukat ay kung gaano pa kahaba ang aming oras. Walang komportableng upuan tulad sa private hospitals. At dahil siksikan ang pasyente, bawal ang bantay.
Habang nakaupo, napapansin ko ang iba’t ibang mukha sa paligid. May nakapikit, pilit na lumalaban sa antok at sakit. May nagdarasal nang pabulong. May nakatitig sa malayo, wari’y nagbibilang ng nalalabing araw. Sa gitna ng katahimikan, iisang tanong ang paulit-ulit na bumabalik sa isip ko: kung limitado na ang buhay ko, bakit dito nauubos ang huling mga araw ko?
Pagkatapos ng lahat, hapon na. Isang buong araw ang nauubos. Isang araw na sana’y sapat na gawin sa loob lamang ng ilang oras. Isang araw na sana’y para sa pamilya, o para sa sariling kapayapaan.
Mapait ang katotohanan: sa bansang ito, ang mga pasyenteng may taning na ang buhay, pinipilit pang maghintay. Ang sistemang dapat sana’y magligtas, siya pang kumakain sa aming natitirang oras. Sa halip na yakap ng pamilya, pila ang aming kasama. At hindi lang sa ospital, pila rin sa mga ahensya ng gobyerno upang makahingi ng kaunting tulong. Ang dapat dignidad, napapalitan ng pagod at pangungulila.
At sa likod ng lahat ng ito, malinaw ang ugat ng problema: katiwalian at kapabayaan. Ang pondong dapat nakalaan sa mas mabilis na diagnostic, mas maraming doktor, mas maayos na pasilidad, at mas makataong serbisyo, napupunta sa bulsa ng iilan. Bawat pisong ninanakaw ay katumbas ng oras na kinikitil sa pasyente. Bawat overpriced na gamot, bawat ghost project na pinondohan ng gobyerno, bawat kickback—ang kapalit ay isang buhay na nawala. Hindi dahil sa bigat ng sakit, kundi dahil pinabayaan at pinabagal ng sistema.
Hindi ko sinisisi ang mga doktor at kawani ng ospital. Alam kong pati sila ay nahihirapan, at ramdam ko ang tunay na malasakit ng ilan. Ngunit kapos sila sa oras, kulang sa tao, at limitado ang espasyo. Salat sa pondo, salat sa suporta.
Para sa tulad ko, ang araw ay hindi numero sa kalendaryo. Ito’y mga sandaling hiram, sandaling sana’y ginugol sa halakhak kasama ng mga kaibigan, sa hapunan kasama ang pamilya. Ngunit sa halip, ginugol ko ito sa pag-upo sa matigas na monobloc, sa pagpila sa mga pasilyo ng ospital, sa paghihintay ng tawag na hindi tiyak kung darating pa.
Sa huli, ang laban ay hindi lang para gumaling. Isa rin itong laban para makatawid sa proseso nang hindi nawawalan ng loob, para hindi tuluyang matalo ng sistema. Sapagkat minsan, higit pa sa sakit, ang pinakamasakit ay ang pakiramdam na hindi ka prayoridad, na kailangan mo pang ipaglaban ang iyong karapatan sa isang sistemang hindi dinisenyo para sa gaya mo.
Wala akong datos kung ilang Pilipino ang tinatamaan ng cancer bawat taon, pero sigurado akong dumarami sila. At kung hindi kikilos ang kinauukulan, mas marami pang buhay ang masasayang. Hindi lamang dahil sa sakit kundi dahil sa sistema. Kailangan nating gumawa ng paraan upang baguhin ito. Huwag na nating hintayin na isa sa ating mahal sa buhay ang dumanas ng parehong kalbaryo. Sapagkat ang oras ay hindi naibabalik, at bawat oras na ninanakaw sa pasyente ay oras na dapat sana’y ginugol sa pag-ibig at pag-asa.
*** isinulat habang nakaupo sa baitang ng hagdanan, dahil wala nang maupuang monobloc. Huwebes, alas-otso ng umaga, #13 ang numero ko at #2 pa lang ang tinatawag. Dito na ako aabutin ng lunch 🥲