
28/07/2025
𝐃𝐫𝐚𝐠𝐨𝐧 𝐒𝐢𝐝
28.07.25
Sa isang tabi, habang nanonood ng paborito niyang teleserye, habang nagduduyan sa bukid, o noong araw, habang nagpapahinga sa pagtuturo, nginangata ni Mamang ang dragon sid.
Ito ‘yung buto ng kalabasa na pinatuyo at medyo maalat-alat. Tinanggal sa laman, nilinis, pinatuyo sa araw, tapos inaasinan? O niluto muna sa asin? Hindi ko rin sigurado kung alin ang tama, pero basta ang alam ko, masarap siyang kainin habang nakaupo lang at walang ginagawa.
Bata pa lang ako, lagi ng may hawak nito si mamang. Paborito niya raw. Araw-araw siyang nakakadalawa o tatlong balot. Mabagal niyang kinakain, parang may sariling ritwal. Sabi niya, kailangan ng mahabang pasensya. Ako naman, minsan sinisipsip ko na lang ang balat kapag nawawalan na ako ng tiyaga.
Isang taon na rin mula noong huli kong uwi, Hulyo 2024. Pabaon pa niya ito sa akin, isiniksik sa maleta bago ako umalis. Sabi ko noon, kakainin ko lang sa espesyal na okasyon. Ngayon ko lang nabuksan, medyo mahaba kasi ang bakasyon, galing sa nakakapagod na trabaho. Parang ngayon lang ulit ako huminto para namnamin ang tahimik at simpleng bagay.
Nag-iba na pala ang balot. Sabi niya kanina nung tumawag ako, tag-sais raw ngayon. Naalala ko pa noong tag-piso lang, pero konti lang din naman ang laman. Kaya naibahan ako sa bagong balat.
Habang kinakain ko, hindi lang alat ang nalalasahan. Pati alaala, buo pa rin. Naks.
Tapos sabi ni Jowa, “Is it still okay?” Chineck ko, expired na pala 😅 Pero ganun pa rin naman lasa, hehe. Salamat, Mamang. Pag-uwi ko uli, ha.
Ikaw, gusto mo rin ba ‘to?