25/07/2025
𝐃𝐚𝐥𝐚𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐠𝐚𝐲, 𝐇𝐚𝐭𝐢𝐝 𝐚𝐲 𝐓𝐚𝐠𝐮𝐦𝐩𝐚𝐲
ni: Ederrick Xianniel Sto. Domingo
Sa panahon kung saan patuloy na nilulugmok ang katotohanan sa kumunoy ng hindi matibag-tibag na balangkas ng kadiliman, may mga taong handang tumulong na mahupa ang bangungot na ito, at handang gisingin ang natutulog na kamalayan ng masang Pilipino.
Sila ang mga kabataang mamamahayag — ang isa sa mga modernong bayaning hindi man nakasuot ng kapa, subalit handang makipagtunggali gamit lamang ang papel at pluma. Kung kaya naman ngayong araw, ating ginugunita ang isang mahalagang araw para sa kanila: ang ikaanim na anibersaryo ng National Campus Press Freedom Day — isang pag-alala sa karapatang matagal nang ipinaglalaban ng kabataang mamamahayag. Sa bisa ng Batas Republika 11440, tuwing ika-25 ng Hulyo ay kinikilala at sinusulong ang malayang pamamahayag sa loob ng mga kampus sa buong bansa.
Ilang beses man silang dinaluhong ng alimpuyo sa kanilang pagsasagwan tungo sa malayang pamamahayag, nananatili silang buo at higit na pinaiigting ang kanilang serbisyong tapat at totoo. Sukbit ang papel at pluma na higit binigyang kapangyarihan ng Batas Republika 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991, sila’y makapagpupunla ng butil ng pag-asa na mamumukadkad sa puso’t damdamin ng sangkatauhan. Hawak nila ang nagniningning na plumang makapagbibigay-liwanag sa mundong nilagom ng dilim.
Sa bawat araw na lilipas, mas maraming tinta ang maipamamalas. Ang kanilang papel man ay umalpas, ang tapang at dedikasyon nilang ipaglaban ang katotohanan para sa masa ay kailanma’y hindi kukupas. Tangan ang pinagyamang pluma, patuloy silang magniningas tungo sa isang mabulaklak na landas.