24/09/2025
KOLUM | Ang Liwanag sa ating Pagtindig: Isang Paalala sa aming mga Lider
Ang ating pamantasan ay ating tahanan—isang lugar kung saan hinuhubog ang ating mga isipan at pangarap. Bilang mga mag-aaral, tayo ang puso at kaluluwa ng komunidad na ito. Dito, sama-sama nating hinaharap ang mga hamon at inaabot ang ating mga mithiin para sa isang mas maliwanag na kinabukasan. Sa kabila ng mga suliranin, matibay ang ating tiwala sa isa't isa, sa ating mga lider, at sa sistemang sinasandalan natin.
Sa panahong nangingibabaw ang mga sigaw laban sa katiwalian sa ating lipunan, nagiging mulat tayo sa katotohanan. Ngunit paano kung sa mismong lugar kung saan hinuhubog ang ating mga isipan, sa ating pamantasan, ay may mga bagay na hindi natin lubos na nararamdaman? Paano kung sa loob ng ating unibersidad, may mga suliraning unti-unting lumalabas, lalo na sa pinakamataas na konseho ng mga mag-aaral—mga lider na galing din sa atin at para din sa atin.
Kamakailan, naramdaman ang bigat ng sitwasyon para sa mga mag-aaral na umaasa sana sa tulong ng scholarship mula sa lokal na pamahalaan. Ang aberya sa mga dokumento ay nagdulot ng pagkadismaya. Ngunit ang mas nagpaalab sa damdamin ng nakararami ay ang katahimikan ng ating mga lider. Sa mga diskusyon sa social media, naglitawan ang mga komento na nagpapahayag ng pagkabigo, na nagdulot ng takot at agam-agam. Ang pakiramdam na hindi pinakikinggan ay tunay na nakababahala.
Hindi ito paninisi, kundi paalala na may kapangyarihan tayo bilang mga mag-aaral—ang kapangyarihan na magtanong, magsalita, at makilahok. Kung naniniwala tayong may dapat linawin, ayusin, o ipaliwanag, sana'y magkaroon tayo ng lakas ng loob na magsalita. Hindi para magpatama, kundi para makahanap ng solusyon.
Naiintindihan namin ang bigat ng inyong posisyon bilang kinatawan ng konseho ng mga mag-aaral. Alam namin na kayo ay estudyante rin, na may sarili ring mga hamon at prosesong dapat sundin. Ngunit ang mga estudyanteng nagtiwala at bumoto sa inyo ay naghihintay. Ang kanilang paghihintay ay tanda ng tiwala na kayo, bilang aming mga kinatawan, ay maninindigan para sa amin. Kaya sa sitwasyong lantaran ang pagkabigo ng mga mag-aaral, hindi sapat ang salitang "pananagutan" o "pagkilos" nang walang malinaw na aksyon. Ang mga salitang iyan ay nagiging guwang kapag hindi sinasamahan ng tapang na magsabi ng totoo at ng lakas ng loob na manindigan. Ang inyong pagtindig sa panig ng mga lumalaban sa katiwalian ay nangangailangan ng tapat na aksyon sa inyong sariling panunungkulan sa pamantasan. Hindi lamang sa boses at lalim ng mga salita naipakikita ang pagkondena—kundi sa pagkilos nang naaayon sa mga tinuran at katuwiran. Ang pagsasantabi sa dapat pang pagtuunan ay kontradisyon sa pagtindig hinggil sa mga isyung panlipunan. Sa katotohanan, ang mga mag-aaral ang nagsisilbing pangunahing biktima ng katiwalian ng mga nasa kapangyarihan.
Naniniwala, ang ating boses, ang ating pagtindig, ay hindi para magwasak, kundi para magsilbing liwanag na magtutuwid sa ating mga maling nagawa. Ang pagiging kritikal ay hindi katunggali ng pagkakaisa. Katuwang ninyo ang mga mag-aaral at hindi kalaban. Magkasama, maaari nating ipaglaban ang interes ng komunidad, hindi sa pamamagitan ng paghihiwalay, kundi sa pamamagitan ng pag-uusap at pagtutulungan. Sa huli, pare-pareho naman tayong may layunin: ang makapagtapos at magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ang kolum na ito ay hindi paninira. Sa halip, ito ay isang hamon at paalala. Ang paninira ay naglalayong magwasak, samantalang ang kritikal na pagsusuri ay naglalayong mag-ayos at bumuo. Ito ay simpleng pagninilay-nilay ng isang mag-aaral at mamamahayag na nagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang komunidad. Nawa'y magsilbi itong tulay upang magsimula ang isang bukas at tapat na diskusyon sa pagitan ng mga estudyante at kanilang konseho.
Sa kalituhan, nangangailangan tayo ng kalinawan. Bilang mga mag-aaral ng pamantasan, ang bawat isa ay may pananagutan sa mga salitang binibitawan. Hindi kawalan sa ating katauhan kung maglalahad ng malinaw, direkta, at lohikal na pahayag o tugon sa isyu. Ito ay upang hindi na lumawak pa ang mga haka-haka at mabigyan ng konkretong paliwanag ang nananatili pa ring bukas na usapan. Bahagi ng pagiging isang estudyante at lider ang pagtindig sa tama. Bilang kapwa mag-aaral, kami ay naniniwala at umaasa na ang aming mga iniluklok sa posisyon ay gagawa ng aksyon. Saanmang anggulo, ang malabo ay bumubuo ng gulo. Sa kaguluhan, umuusbong ang iba't ibang nararamdaman.
Ang ating boses, ang ating pagtindig, ay hindi para magwasak, kundi para magsilbing liwanag na magtutuwid sa ating mga maling nagawa. Magbigay muli ng pagkakataon sa kalinawan tungo sa pagkakaisa, pagtutulungan, at pagkakaunawaan. Bilang mga mag-aaral, ang ating pinakamalaking responsibilidad ay hindi ang manahimik—kundi ang makisangkot at magpahayag. Ang pagsisiwalat ay nagmumulat. Ang liwanag ng ating pagtindig ay dapat na nakikita at naririnig.
Lubos na gumagalang,
Regulus