14/09/2025
𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠 | Ang Bakas ng Haplos ni Titser
Hindi na bago sa lipunan ang mga g**ong nagmimistulang mga magulang—malakas kung humiyaw, nakatatakot kung tumitig, at nakaiiyak kung magpangaral. Ngunit, sa likod ng kanilang tindig, naroon ang pusong marunong umunawa at umaruga. Madalas nga’y sila pa ang kaakibat sa mga problemang lagpas na sa apat na sulok ng silid-aralan. Ngayong buwan ng Setyembre, ating ipagdiwang ang buwan ng ating pangalawang magulang, haligi ng lipunan, at sandigan ng bawat mamamayan—ang mga g**ong patuloy na nagsisilbi sa bayan.
Hindi lamang wika, kultura, sipnayan, kasanayan, at agham ang kanilang ipinapamanang kaalaman. Sila ang ugat ng ating paninindigan—ang nagpatibay sa mabuting asal, pagkatao, at disiplina. Sila ang humubog sa ating isipan upang kalauna’y maging bahagi ng mas radikal at progresibong lipunan. Sapagkat hindi lang ang utak ang kanilang tinuturuan, bagkus maging ang mga pusong sinasanay na magmahal at magpatawad.
Sila ang nagsisilbing tanglaw na umaakay at humuhubog sa pangarap ng bawat batang ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay. Tayong lahat ay minsang nagpahuway sa bisig ng isang g**ong pinaliguan tayo ng kalinga, aruga, at aral—mga bagay na kailanma’y hindi matutumbasan ng kahit anong grado.
Kung tutuusin, ang kanilang mga kamay ang humuhulma sa daloy ng kinabukasan. Sapagkat kung walang g**ong tagapagturo—walang mga inhinyero, doktor, o abogado. Kung wala si titser, walang mamamayan ang tunay na may saysay. Mag-aalimpuyo ang ating pamayanan at rurupok ang lipunan.
Ang edukasyon ay hindi nakasalalay sa teknolohiya at ganda ng pasilidad, kundi sa puso’t tiyaga ng bawat g**o. Kaya nga sila tinuturing na bagong bayani ng bayan. Dahil sa kanila inasa ang ikabubuti ng kapakanan ng bawat kabataang pag-asa ng bayan. Sila ang tunay na tagapagtaguyod ng lipunan.
Madalas man tayo’y kinagagalitan at pinapangaralan, ngunit palagi nating tandaan: responsibilidad nilang tayo’y sumibol bilang tapat, magalang, at marangal na indibidwal. Kaya nga sila nagtuturo, para tayo ay matuto. Huwag nating kalimutan na mas matimbang ang ating pinagsasaluhang ngiti, tawanan, at natututuhan, kaysa sa mga sandaling tayo’y kanilang sinesermunan.
Sa likod kanilang mga ngiti, matatagpuan ang lahat ng kanilang mga sakripisyo. Sa kanilang tindig na walang kapantay, matang walang sing talas, at boses na kailanma’y hindi humihina—madalas ay ating nakalilimutang sila ay mga taong kinakailangang magpahinga. Habang inaangat tayong mga kabataan, sila ay nananatiling nakikipagsapalaran para sa ikabubuti ng kinabukasan—para sa bayan.
Hindi lang dapat ngayong buwan sila pinasasalamatan, pinagdiriwang, pinapalakpakan, bagkus araw-araw. Sapagkat ang kanilang kamay ang humubog sa ating bayan. Ngayong buwan ng mga g**o, tayo’y magpasalamat nang higit pa sa nakasanayan. Sapagkat sa bawat haplos ng g**o, nag-iiwan ito ng bakas na hindi mabubura—ang bakas ng pag-asa. Gawin nating panghabambuhay ang ating pagkilala at pasasalamat.
Isang maligalig na buwan para sa lahat ng g**o! Happy National Teachers’ Month!
Isinulat ni Calix Sapitan
Paglalarawang Tudling ni Giro Aldred S. Dela Peña