29/06/2025
ANO ANG BALITA
kasama si Jun de guzman
*𝐓𝐚𝐭𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐇𝐕𝐈, 𝐓𝐢𝐦𝐛𝐨𝐠 𝐬𝐚 𝐁𝐮𝐲-𝐁𝐮𝐬𝐭 𝐬𝐚 𝐂𝐚𝐯𝐢𝐭𝐞; 𝐌𝐚𝐡𝐢𝐠𝐢𝐭 𝟐𝟎 𝐌𝐢𝐥𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐒𝐡𝐚𝐛𝐮, 𝐍𝐚𝐬𝐚𝐛𝐚𝐭*
Tatlong hinihinalang High Value Individuals (HVI) ang naaresto ng mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Zapote 3, Bacoor City, Cavite, dakong alas-4:00 ng madaling araw ng Hunyo 29, 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Dave”, 47, residente ng Naic, Cavite; alyas “Cho”, 47, isang Chinese national na naninirahan sa Pasay City; at alyas “Shai”, 25, ng Tanza, Cavite.
Ang operasyon ay isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor Component City Police Station kung saan naaresto ang mga suspek at nakumpiska mula sa mga ito ang tinatayang tatlong kilo ng hinihinalang shabu na may halagang Php20.4 milyon batay sa Standard Drug Price.
Bukod sa mga iligal na droga, nakumpiska rin sa lugar ang iba pang drug paraphernalia, monetary bills na ginamit bilang buy-bust money, dalawang sasakyan, mobile phone, isang identification card na nakapangalan sa isa sa mga suspek, at mga small firearm.
Ayon kay PBGEN Jack L W***y, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng mas pinatibay na kampanya ng kapulisan kontra iligal na droga. “Hindi kami titigil hanggat may mga indibidwal pa ring patuloy na nagpapalaganap ng lason sa ating mga komunidad. Sa pakikipagtulungan ng ating mga kababayan, patuloy tayo sa ating mga operasyon upang matuldukan ang iligal na kalakalan ng droga dito sa rehiyon,” dagdag nito.
Samantala, patuloy na inaalam ng mga otoridad ang iba pang posibleng koneksyon ng mga suspek sa mas malawak na sindikato ng droga.
Ang mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacoor City Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (RPIO4A)