23/09/2025
Maraming Pilipino ang nagkakaisa upang manindigan laban sa korapsyon. May ilan na nasa lansangan, may iba naman na sa kanilang mga tahanan ay buong tapang na ipinapahayag ang kanilang saloobin. Ngunit nakakalungkot isipin na sa kabila ng dami ng nagkakaisa, nauuwi ito sa kaguluhan, may mga nasasaktan, at tila nagiging hati ang ating panawagan.
Huwag nating kalimutan: ang tunay na diwa ng kilos-protesta at paglalahad ng opinyon ay dapat nakatuon sa iisang laban — ang laban kontra korapsyon. Hindi ito labanang Marcos laban kay Duterte. Hindi rin ito laban ng Tagalog laban sa Bisaya. Ito ay laban ng sambayanang Pilipino laban sa katiwalian at kawalang-katarungan na gawa ng mga makapangyarihan.
Hindi tayo dapat lumalaban para lamang patalsikin si Marcos at paupuin si Duterte. Alam nang bayan ang totoo: parehong may mabibigat na pananagutan ang Marcos at Duterte sa usapin ng katiwalian. Ang pag-unlad nang bayan at pagiging malaya sa katiwalian ay hindi nakatali sa isang pamilya o partido. Ang political dynasty ang isa sa matagal nang nagpapahirap sa ating bayan.
Mga kababayan, karapatan nating lahat ang isang malinis at maayos na pamahalaan. Kayang-kaya nating itayo ang isang bansang malaya sa korapsyon, malaya sa dinastiya, at malaya sa mga pamilyang paulit-ulit na inuupuan ang kapangyarihan na para sana sa taongbayan.
Hindi ito labanan ng kulay. Hindi ito labanan ng rehiyon. Hindi ito labanan ng personalidad. Ito ay laban ng Pilipino, para sa Pilipino, at para sa kinabukasan ng ating mga anak.
Magsama-sama tayo. Huwag bilang magkakahiwalay na grupo, kundi bilang isang nagkakaisang bansa. Ito ang laban ng sambayanang Pilipino — laban para sa katotohanan, katarungan, at mabuting pamamahala.
Wag tayong magpadala sa laban ng dalawang pamilya na nakatuon ang pamamahala para lang sa pansariling interest nila.