15/09/2025
Magalong, hinimok na magbitiw bilang alkalde ng Baguio para tutukan ang imbestigasyon sa anomalya sa imprastraktura
MANILA — Nanawagan ang mga labor group nitong Linggo na magbitiw si Mayor Benjamin Magalong bilang alkalde ng Baguio City matapos siyang hiranging espesyal na tagapayo at imbestigador ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Nagkaisa Labor Coalition, bagama’t kinikilala nila ang integridad at malasakit ni Magalong, dapat malinaw ang kanyang papel sa ICI. “Either full-time investigator siya o adviser lang. Hindi puwedeng parehong posisyon dahil baka magmukhang hilaw ang imbestigasyon,” ani Sonny Matula, chair ng Nagkaisa at pangulo ng Federation of Free Workers.
Binigyang-diin ng grupo ang Section 7, Article IX-B ng 1987 Constitution na nagsasabing hindi maaaring humawak ng ibang posisyon ang isang halal na opisyal habang nanunungkulan, maliban kung pinapahintulutan ng batas. Iginiit din nila ang desisyon ng Korte Suprema noong 1993 (Flores v. Drilon) na nagpapatibay sa pagbabawal na ito.
Samantala, nanindigan si Magalong na mananatili siya bilang alkalde, at ang kanyang tungkulin sa ICI ay “espesyal na tagapayo” lamang at hindi pormal na miyembro. Giit ng Malacañang, makakatulong ang kanyang karanasan sa imbestigasyon at paglalantad ng katiwalian.
Kaugnay nito, inanunsyo rin ng Palasyo ang iba pang miyembro ng ICI: dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo, managing partner ng SGV & Co. Ang ikatlong miyembro, na magsisilbing chair ng komisyon, ay iaanunsyo pa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 94, inatasan ang ICI na imbestigahan ang mga iregularidad at anomalya sa mga flood control at iba pang proyekto ng gobyerno mula 2015 hanggang 2025, at magsumite ng rekomendasyon para sa kaukulang kasong kriminal, sibil, at administratibo laban sa mga sangkot.