
11/07/2025
Kaakibat ang Biñan City Population Office, matagumpay na isinagawa ng Biñan City Senior High School – San Antonio Campus ang Adolescent Pregnancy Prevention Symposium noong Hulyo 11, 2025 sa BCSHS-SAC Lecture Hall. Pinangunahan ito ni Punongguro Mildred D. Diña, kasama sina Jovi Parani, Precy Calvez, at iba’t ibang organisasyong pangmag-aaral upang itaas ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa maagang pagbubuntis at responsableng pagdedesisyon.
Binuksan ang programa sa isang makabuluhang mensahe mula kay Ginoong Rojane F. Bernas, Master Teacher II, na sinundan ng pangunahing talakayan mula kay G. Marlo C. Gogres, LPT, AHD Coordinator ng LGU Biñan, tungkol sa mga sanhi at epekto ng maagang pagbubuntis. Kasunod nito ay ang pagpapalabas ng isang AHD film na ipinakilala ni Hilario D. Pantua, Jr., RN, RSW, LPT, MPA, Population Program Manager. Tinalakay rin ni Raquel C. San Pascual, RN mula sa City Health Office ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalusugan ng kabataan sa pisikal, emosyonal, at mental na aspeto.
Nagkaroon din ng bukas na Q&A Forum kung saan malayang nakapagtanong at nakapahayag ng saloobin ang mga mag-aaral. Tampok din sa programa ang Panunumpa ng mga Opisyal ng Peer Facilitators Club para sa SY 2025–2026 sa pangunguna ng SSLG President, na sumisimbolo sa aktibong papel ng mga estudyante sa pagpapalaganap ng kaalaman sa kalusugan.
Nagbigay ng pangwakas na mensahe si Gng. Abigael T. Golondrina, Master Teacher II, na nagpaalala sa mga mag-aaral na maging matalino at mapanagot sa kanilang mga desisyon. Pinangunahan ni Dorotea B. Palwa ang programa bilang Emcee. Isang patunay ang aktibidad na ito sa matatag na ugnayan ng paaralan at pamahalaang lokal sa pagsusulong ng edukasyong pangkalusugan para sa kabataan.