09/07/2025
Nagpasya ang Korte Suprema na ang isang doktor na nagbibigay ng wastong medikal na payo, malinaw na nagpapaliwanag ng mga posibleng panganib ng isang pamamaraan, at kumukuha ng tamang pahintulot mula sa kanyang pasyente ay hindi mananagot para sa medical malpractice.
Sa Desisyon na isinulat ng noo’y Associate Justice Mario V. Lopez, kinatigan ng Pangalawang Dibisyon ng Korte Suprema ang pagsantabi sa reklamo laban kay Dr. Avelino P. Aventura (Dr. Aventura), pinuno ng Philippine Heart Center (PHC) Surgery Department, ukol sa pagkamatay ng kanyang pasyente na si Quintin Que (Quintin).
Batay sa talaan ng kaso, nagsampa si Elpidio Que ng kaso para makakolekta ng danyos laban kay Dr. Aventura na inakusahan niya ng medical malpractice kaugnay ng pagkamatay ng kanyang ama na si Quintin, kasunod ng nabigong stenting procedure.
Unang dinala si Quintin kay Dr. Aventura dahil sa aneurysm sa kanyang aortic arch o ang naka-arkong bahagi ng pangunahing ugat sa puso, na isang nakamamatay na kondisyon. Pinayuhan ni Dr. Aventura si Quintin na sumailalim muna ng heart bypass operation bago gamutin ang aneurysm. Naging matagumpay ang operasyon sa puso.
Pero lumala ang aneurysm ni Quintin. Nagbigay siya ng dalawang pagpipilian: isang open-chest surgery o isang mas bago at hindi gaanong mapanghimasok na stenting procedure.
Ipinaliwanag ni Dr. Aventura sa pamilya Que na wala sa dalawang pamamaraan ang tiyak na magtatagumpay at posibleng nakamamatay pa rin ang stenting. Nilinaw din niya na hindi siya dalubhasa sa stenting kaya iba ang magsasagawa ng operasyon. Matapos ipakilala sa Belgian specialist na si Dr. Eric Verhoeven na siyang gagawa ng stenting procedure, pumayag si Quintin sa operasyon.
Sa araw ng operasyon, sinubukan ni Dr. Verhoeven na ipasok ang custom stent nang tatlong beses pero nabigo siya dahil may baliko sa malaking ugat ni Quintin. Ang resulta, na-stroke si Quintin at hindi na nagising pa.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang mga desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals na hindi nagpabaya at hindi nakagawa ng medical malpractice si Dr. Aventura. Ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang medical malpractice ay nangyayari kapag nabigo ang isang doktor na ihatid ang pamantayan ng pangangalaga na inaasahan mula sa ibang mga doktor sa kaparehong sitwasyon, na maglalagay sa pasyente sa panganib.
Ang isang batayan para sa malpractice ay ang kawalan ng informed consent o pahintulot, na nangyayari kapag ang isang pasyente ay sumang-ayon sa isang pamamaraan nang hindi lubos na nalalaman ang tungkol sa mga panganib at potensiyal na resulta nito.
Sa kasong ito, nagdesisyon ang Korte Suprema na malinaw na ipinaalam ni Dr. Aventura kay Quintin at sa kanyang pamilya ang tungkol sa mga panganib na nauugnay sa stenting procedure, kabilang ang posibleng pagkamatay. Nilinaw din niya na isa pang doktor ang magsasagawa ng operasyon at pinirmahan ni Quintin ang mga porma ng pahintulot o consent form para sa pasyente.
Basahin ang press release sa https://tinyurl.com/jjjx4k7b.
Basahin ang Desisyon sa https://tinyurl.com/5n6a6e7p
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.