22/06/2025
Estudyanteng Tindero ng Taho, Inspirasyon sa Kabataan
Isang estudyante sa Tanza ang hinahangaan matapos mag-viral ang kanyang pagsisikap magbenta ng taho bago pumasok sa klase araw-araw.
Isang kwento ng pagsusumikap at pangarap ang nag-viral online matapos makita ang video ni Gurprit Paris Singh, kilala rin bilang "Gopi", isang high school student mula Tanza, Cavite, na naglalako ng taho tuwing umaga bago pumasok sa klase.
Sa video na ibinahagi ni netizen Jhap Tarog, makikitang bitbit ni Gopi ang lalagyan ng taho habang suot ang kanyang school uniform. Ayon kay Tarog, ang kanyang ina ang gumagawa ng taho na kanyang ibinebenta. Kapag may natirang taho, ipinagpapatuloy niya ang pagbebenta sa loob ng kanilang paaralan, ang Tanza High School.
“Pinagsasabay niya ang pagtitinda at pag-aaral. Laban lang sa buhay, darating din ang araw na magtatagumpay ka,” ani Tarog sa kanyang post.
Kwento ito ng lakas ng loob, disiplina, at pagmamahal sa pamilya. Sa murang edad, pinapatunayan ni Gopi na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pangarap—bagkus, ito'y inspirasyon upang magsikap pa.
Sa bawat tahong kanyang iniaalok, may kasamang pangarap na inaabot. Tulad ni Gopi, huwag kang matakot magsimula ng maliit—dahil ang tagumpay ay para sa mga matatag ang loob.