
12/07/2025
Pagputol ng suplay ng gasolina, sanhi ng Air India Flight crash - preliminary investigation
Batay sa paunang imbestigasyon kaugnay ng pagbagsak ng eroplano ng Air India noong nakaraang buwan na ikinasawi ng 270 katao, napag-alamang nawala ang suplay ng gasolina sa mga makina ilang segundo lamang matapos ang paglipad ng eroplano.
Ayon sa ulat, matapos mag-take off, ang mga fuel cutoff switch ng parehong makina ay biglang nailipat mula "RUN" patungong "CUTOFF" sa loob lamang ng isang segundo dahilan para tuluyang maputol ang suplay ng gasolina.
Sa cockpit voice recording, narinig ang isa sa mga piloto na nagtatanong kung bakit pinindot ang cutoff switch. Ayon sa ulat, sinabi ng isa pang piloto na hindi siya ang gumawa nito.
Makalipas ang sampung segundo, sinubukang ibalik ang suplay ng gasolina at awtomatikong pinaandar muli ang mga makina, ngunit kinulang sa oras upang mailigtas ang eroplano.
Pagkalipas ng mahigit dalawampung segundo matapos mapindot ang cutoff switch, narinig sa transmission ng piloto ang "MAYDAY MAYDAY MAYDAY," ayon sa ulat.
Tumigil ang black box recording ilang segundo matapos nito.
Ang Air India flight na may sakay na 230 pasahero at 12 crew ay patungong United Kingdom nang bumagsak ito sa isang gusali noong Hunyo 12, ilang sandali lamang matapos ang paglipad.
Lahat ng sakay ay nasawi maliban sa isang nakaligtas.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente. | via AFP / Reuters