31/12/2025
𝗣𝗮𝗻𝗶𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗦𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗶𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗯𝗮𝗻𝗮𝘁𝗮
Tik-tak tik-tak tik-tak tunog ng bawat relo sa bawat bahay—bahay na mag-aantay ng liwanag sa kalangitan. Sa pagpatak ng hating gabi, mga paputok ay sinindihan na, mga sasakyan at motor at naka-andar na, mga kantahan, sigaw, at hiyawan ay lumaganap na sa buong mundo—isang hudyat ng pagsisimula ng panibagong kabanata sa ating buhay.
Sa huling sandali ng lumang taon, banayad ng
isinasara ang mga pintong minsang naging tahanan ng sakit at kawalan ng pag-asa. Hindi man naging madali ang bawat hakbang sa taong ito, naging saksi naman ang mga panahon ng ating pagtitiis—sa mga gabing tahimik ang luha at sa mga araw na ang tapang lamang ang tanging baon sa sarili.
Sa pagsalubong ng bagong taon, hayaan nating yakapin tayo ng liwanag ng panibagong simula. Mga pangarap na muling bubuuin, mga dasal na muling ibinubulong sa ihip ng hangin, at mga pusong handang sumugal sa pag-asa kahit hindi tiyak ang bukas. Sa bawat ala-ala na ating nabuo ngayong taon, magsilbi sana itong liwanag sa ating madilim na daan, na lalakbayin tungo sa ating bagong pahina—mga alaalang humubog sa kung sino tayo ngayon.
Ngayong taon marami tayong mga pangyayari na marihap kalimutan— mga pagkatalong nagturo ng aral, mga tagumpay na nagpaalala ng ating kakayahan. Ang bawat sugat ay naging marka ng paglago, patunay na tayo'y nabuhay, lumalaban, at patuloy na nakikibaka sa larangan ng buhay. Sa pagharap natin sa bagong taon, dala natin ang mga aral ng kahapon at ang tapang na hinubog ng panahon. Sa bawat hakbang pasulong, pinipili nating magpatuloy, umasa, at muling maniwala sa liwanag ng panibagong simula.
Isinulat ni: Chris Arren Casa | ᴀɴɢ ʙᴀɴʏᴜʜᴀʏ
Disenyo ni: Yusri Usop | ᴀɴɢ ʙᴀɴʏᴜʜᴀʏ