26/05/2025
Ikaw lang naman po yong Sinayang nila. Saludo po ako sayo Mayor Nolie B. Sanchez
Mga minamahal kong Tomasino,
Buong puso po akong nagpapasalamat sa suporta at tiwala ninyo nitong nakaraang halalan.
Bagama’t hindi inaasahan ang naging resulta, patuloy po tayong kumikilos nang naaayon sa batas at proseso—para sa katotohanan, para sa katarungan, at para sa kapanatagan ng bawat Tomasino. Hindi po tayo titigil hangga’t wala pang linaw sa mga isyung bumabalot sa halalang ito.
Alam kong maraming nagtangkang pigilan ang pagbaba ng mga ballot boxes noong gabi ng eleksyon—tensyonado, puno ng emosyon, at hirap tanggapin ang resulta. Bumaba pa nga ang mga SWAT sa ating bayan. Ngunit tayo na mismo ang tumawag at umawat sa ating mga lider upang pairalin ang mahinahong pagharap sa sitwasyon. Hindi ko gugustuhin na may masaktan o magsakripisyo. Marami pa tayong mapayapang paraan upang makamit ang katarungan.
Nauunawaan ko pong naging matindi ang damdamin ng bawat isa. Kaya ako’y taos-pusong humihingi ng paumanhin kung ako man ay nakapagsalita ng hindi nararapat higit lalo sa ating mga g**o na nag-alay ng kanilang oras at buhay para sa ating halalan. Dala ito ng pagkabigla at bigat ng pangyayari. Sa kabila nito, ang aking panawagan ay nananatili—pagkakaisa at respeto sa isa’t isa.
Sa ngayon, at tulad ng ating nasimulan, patuloy ang ating paglilingkod sa abot ng ating makakaya—bilang isang ordinaryong Tomasino na walang ibang hangad kundi ang kapakanan ng kanyang kapwa.
Maraming salamat po. Patuloy tayong lalakad sa landas ng pag-asa, pagkakaisa, at paninindigan.
Hanggang sa muli, mga Tomasino.