
22/07/2025
TUNGHAYAN: Matagumpay na inilunsad ng Innovus ang taunang Blood Donation Drive na may temang “Fueling a Future of Hope” kahapon, ika-21 ng Hulyo, sa tulong ng High School Community Extension Services (HS CES) at ang kanilang opisyal na kaagapay, Philippine Red Cross (PRC) Rizal Chapter.
Dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa ika-10 baitang hanggang Senior High School, pati na rin ng mga magulang, kaguruan, at alumni, ang nasabing proyekto na isinagawa sa High School Multi-Purpose Room (MPR) upang makiisa sa pagpapahalaga sa makataong inisyatiba ng institusyon. Sa kabila ng suspensiyon ng klase bunsod ng malakas na habagat, hindi ito naging hadlang sa pagsisikap ng organisasyon na maipagpatuloy ang aktibidad at makakalap pa rin ng mga boluntaryong donor.
“Kahit nagkaroon ng suspensiyon, naniniwala akong naging matagumpay ang isinagawang bloodletting activity bunga ng pagtutulungan at dedikasyon ng lahat ng nakibahagi. Nakapanghihinayang na may ilang hindi na nakapag-donate, ngunit lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng nagnanais lumahok sa makabuluhang adhikaing ito. Sigurado akong magkakaroon pa ng mas maraming pagkakataon para sa komunidad ng CSA sa susunod na taon,” ani Julia Abigail Pino, pangulo ng Innovus.
Sa pamamagitan ng blood donation drive, muling ipinamalas ng pamayanang Agustino ang pagpapatuloy sa adhikain para sa mapanagutang paglilingkod tangan ang pag-asa.
Caption ni Luis Miguel Tagunicar
Larawan ni Bianca Francesca Lim