
11/06/2025
Masbateño, top 7 sa Physical Therapist Licensure Examination ngayong June 2025
Si Jhiren Kish Villegas Patalinghug, tubong Masbate City ay nakakuha ng 88.25 percent sa Physical Therapist Licensure Examination (PTLE) ngayong Hunyo, dahilan upang sya ay maging seventh placer.
Nagtapos sya ng kanyang junior high school sa Science, Technology and Engineering (STE) sa Masbate National Comprehensive High School noong 2018 at nagpatuloy syang kanyang senior high school sa Cebu City.
Lumipat naman sya sa lungsod ng Maynila upang kumuha ng kursong Bachelor of Science in Physical Therapy sa Manila Adventist College.
Ayon kay Patalinghug, hindi man nasunod ang kanyang kursong pinangarap pero may malaking nagbago sa kanyang buhay para ipagpatuloy ang pag aaral upang mas lalo pang makatulong sa kanyang pamilya.
"Ever since I was young, Med Tech po talaga yung gusto kong kurso pero things happened and yung nagtulak po talaga sa akin upang tahakin ang kursong PT ay yung na-stroke yung lolo ko. I thought it would be the best program na makakatulong sa kanya kaya I pursued this profession pero sadly namatay siya during my first year college," salaysay ni Patalinghug.
Nawala man ang kanyang lolo pero hindi pa rin nya pinabayaan ang kanyang pag aaral sa kursong pinaniwalaan nya na makatulong sa kanyang mahal sa buhay.
Sa tulong ng kanyang pamilya, kaibigan, kaklase at paniniwala sa Diyos, ang nagsilbing inspirasyon habang kumukuha ng eksaminasyon.
"At first, I’m very confident that God would allow me to be among the topnotchers, but as I was answering the exam during the board, I doubted myself. Grabe po sobrang hirap, I consumed all of my time (4 hours each subject) sa tatlong subjects and lagi ako yung isa sa pinaka last mag pass ng exam paper. That’s why nung pagtapos ng board exams, di na po ako naging confident na mag t-top ako kasi sobrang nahirapan po ako," pahayag ni Patalinghug.
Ang habilin nya lalo na sa mga gusto tahakin ang propesyon ng physical theray: "Make your heart a heart of service". | Jonathan Morano