17/09/2025
𝗠𝗚𝗔 𝗕𝗜𝗞𝗧𝗜𝗠𝗔 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗟𝗜𝗞𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗕𝗢𝗫 𝗦𝗖𝗔𝗠, 𝗦𝗔 𝗪𝗔𝗞𝗔𝗦 𝗔𝗬 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗞𝗨𝗛𝗔 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗡𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗡𝗔𝗕𝗔𝗪𝗜 𝗡𝗔 𝗕𝗢𝗫 — 𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗗𝗔𝗗𝗔𝗟𝗔 𝗗𝗜𝗥𝗘𝗧𝗦𝗢 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗡𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗛𝗔𝗡𝗔𝗡.
Ipinagmamalaki ng Department of Migrant Workers - Regional Office IX (DMW IX) na ang mga balikbayan box na minsang nawala dahil sa panloloko ng mga pekeng freight forwarders ay ngayon ay naibabalik na at ipinapadala diretso sa mga tahanan ng mga benepisyaryo sa Region 9 at BASULTA.
Bukod dito, ang mga apektadong OFW at kanilang pamilya ay nakatanggap din ng ₱30,000 tulong-pinansyal mula sa DMW AKSYON Fund upang sila’y muling makabangon mula sa naturang scam. Ngunit higit pa sa tulong-pinansyal, natanggap na rin nila ang mga kahong sumasagisag sa pagmamahal at sakripisyo ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng pinagsanib na pagsisikap ng DMW at Bureau of Customs (BOC), matagumpay na natunton, nasiguro, at naibalik ang mga kahong biktima ng scam sa kanilang tunay na may-ari.
Mula pa noong 2023, mahigit 9,900 balikbayan box na ang naibalik at naihatid sa buong bansa. Nitong Mayo 2025 lamang, may dumating na 2,500 kahon sa Davao — kung saan 362 dito ay nakalaan para sa mga pamilya sa Region 9 at BASULTA, na lahat ay inihatid nang diretso sa kanilang mga tahanan.
Muling pinaaalalahanan ng DMW IX ang publiko: ingatan ang inyong pinaghirapang padala — makipagtransaksyon lamang sa mga lisensyado at akreditadong forwarder. I-report kaagad ang mga panloloko sa pinakamalapit na tanggapan ng DMW o sa kanilang opisyal na hotline.
Mula scam hanggang sa muling pag-uwi, tiniyak ng DMW na bawat kahon ay ligtas na makararating sa tunay na tahanan.
📸 DMW Region IX