
10/07/2025
OPINYON | Hindi Sapat ang Sapat Lang sa Patlang
Sa tuwing panahon ng halalan sa kampus, para tayong paulit-ulit na pinakikitaan ng iba’t ibang mukha at personalidad sa nobela—mga ngiti ng pag-asa, magagandang plataporma, at mga pangakong pinalilipad lamang sa hangin. Kaya hindi natin masisisi ang palaging tanong ng karamihan: ano kaya ang maiaambag nila sa pamantasan? Hindi kaya bahag ang buntot nila sa pagsambulat ng katotohanan?
Mula noong naging kasangkapan na ang social media sa pangangampanya, hindi na natin dama ang purong pagkalinga nila, na wari bagang kahit nakahiga lamang ay aani ng limpak-limpak na boto mula sa mga followers nila sa TikTok, Facebook, at Instagram. Tila naging katanggap-tanggap na ang mediokritas sa pamumuno. Bakit sapat na sa ilan ang mga kredensiyal na wala namang kinalaman sa mga posisyong kanilang nais upuan? Napakababaw ng pamantayan—tila ba ang liderato ay isang contest ng paramihan ng sertipikong walang kinalaman sa pamumuno.
Kaya, gising ka, mag-aaral! Hindi lahat ng nakikita mo ay tunay at may integridad. Ang lider na tunay ay hindi mapagkunwari, may tapang na ipaglaban ang kapuwa nila mag-aaral, at buong pusong titindig tangan ang sulo ng katotohanan. Hindi iniindayog ang dila sa matatamis na salita, dahil ang tunay na lider ay hindi lamang naglilista ng mga pasaway at naniningil ng multa. Sila ang naiiwang gising habang ang lahat ay natutulog—gumagawa, nag-iisip, nag-aaklas kung kinakailangan. Hindi siya nagpapabango sa ilong ng administrasyon, dahil ang tapat ay hindi kailanman nagtatago sa kompromiso.
Kung lider ka lang para magkaroon ng title sa resume—umalis ka na sa pwesto. Hindi ito fashion show. Hindi ito rehearsal para sa career mo. Ito ay tungkulin—at ang tungkulin ay hindi dapat kinakalakal. Habang ikaw ay nagpapakasasa sa posisyon at nirarampa ang inyong Organization Uniform, naisip mo bang may mga estudyanteng pagod at gutom na pumipila para lamang mapirmahan ang clearance? Kulang sa manpower dahil ang iba ay mas pinipili ang pansariling interes lamang.
Kaya piliin natin ang nararapat at hindi puro pasikat. Mga kapwa estudyante, hindi sapat na bumoto lang, dapat marunong din tayong maningil. Malaki ang gagampanang papel natin para maluklok sila. Kung pipili lang tayo batay sa ganda ng mukha o matatas sa Ingles, tayo rin ang nag-aanyaya sa sarili na mapako sa paulit-ulit na pagkabigo. Isa sanang matalinong pagboto ang ihain natin sa mga kandidato. Huwag tayong paloko, huwag tayong padadala sa pangako. Tandaan na hindi porke magaling magsalita ay may integridad na.
Sana sa darating na halalan, mamulat na tayo. Huwag natin ibigay ang kapangyarihang ito sa mga lider na ang tapang ay hanggang kapsyon lang. Hanapin natin ang lider na hindi natatakot na kahit paulit-ulit na sabihan ng "pasaway" para lang mailaban ang karapatan mo, ay susuong siya. Hanapin natin ang lider na hindi mo lang maririnig, kung ‘di mababanaag mo rin—sa gyera, sa laban, sa pagkilos. Hindi sapat na magaling lang, dapat may puso rin sa kapuwa estudyante, may puso sa paglilingkod, handang magsakripisyo, at may mala-sakit.
Samakatuwid, ang tunay na lider ay mayroong magandang hangarin at pananaw tungo sa mas progresibong liderato. Dahil batid nating hindi lang dapat magaling, dapat mabuting tao rin.
Joshua Talla Tabas | Filipino Editor