27/12/2025
Lean De Guzman, nagsalita na sa isyu ng umano’y panloloko kina Vinz Jimenez at boyfriend nito
Matapos ang rebelasyon kahapon ni Vinz Jimenez ukol sa panlolokong ginawa niya, nagsalita na si Lean De Guzman kaugnay ng kontrobersiyang kinasasangkutan niya matapos siyang akusahan ng umano’y panloloko nina Vinz Jimenez at ng boyfriend nito—isang isyung mabilis na kumalat at umani ng matinding reaksyon sa social media.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Lean na napilitan siyang ipabura ang kanyang mga social media account sa payo ng kanyang pamilya dahil sa umano’y sobra-sobrang pambabastos, paninira, at public shaming na kanyang naranasan online.
“Pina-delete ng pamilya ko ang social media account ko dahil sobra na ang pambabastos, paninira, at public shaming na ginawa sa akin online,” ayon kay Lean.
Dagdag pa niya, maging ang kanyang mga kaibigan ay pinayuhan siyang manahimik na lamang upang hindi na lumaki ang gulo at para makapag-move on na ang lahat. Gayunpaman, inamin niyang mahirap umanong gawin ito lalo na’t umabot na sa milyon ang reach ng mga post ni Vinz.
Ayon kay Lean, kumalat na ang kanyang mukha at pangalan sa iba’t ibang platforms, kasabay ng pag-usbong ng samu’t saring kwento, memes, at assumptions mula sa mga taong hindi umano alam ang buong pangyayari.
“Parang pinat@y na ako sa social media — araw-araw, paulit-ulit,” pahayag niya.
Hindi rin itinanggi ni Lean ang kanyang pagkakamali at hayagan niyang inamin ang pananagutan.
“Aminado ako, may nagawa akong mali. Hindi ko tinatanggi, at pinagsisisihan ko na iyon.”
Gayunpaman, iginiit niya na hindi raw ito sapat na dahilan upang yurakan ang kanyang pagkatao sa publiko.
Binatikos din ni Lean ang aniya’y maling paggamit ng call-out culture, na ayon sa kanya ay nagiging lisensya ng ilan upang manira ng tao at gawing content ang paghihirap ng iba.
“Hindi lisensya ang ‘call-out culture’ para sirain ang pagkatao ng isang tao at gawing content ang paghihirap niya,” aniya.
Dahil umano sa patuloy na public shaming, paninirang-puri, at pagpapakalat ng mapanirang impormasyon, kinumpirma ni Lean na nagpasya na siyang magsampa ng cyber libel case laban kay Vinz Jimenez.
“Kasalukuyan na kaming kumukunsulta sa abogado,” ayon sa kanya.
Binigyang-diin ni Lean na ang hakbang na ito ay hindi pagtakas sa accountability, kundi isang paraan upang ipagtanggol ang kanyang dignidad, mental health, at karapatang pantao.
“Ang pagkakamali ay may hangganan. Ang pambabastos at paninira, pinipili ’yan,” pagtatapos niya.
Sa ngayon, wala pang pahayag mula kay Vinz Jimenez kaugnay sa planong pagsasampa ng kaso. Patuloy na inaabangan ng publiko ang susunod na kabanata sa isyung ito na muling nagbukas ng diskusyon tungkol sa responsableng paggamit ng social media at ang epekto ng public shaming.
CTTO