08/05/2026
‘KAYA NIYO ‘YAN KAHIT WALANG OFFICE’
Ito ang pabirong sagot ni Regent Glenn Jude Rufino, kinatawan ng Board of Regents ng University of Rizal System (URS) para sa Committee on Higher and Technical Education, sa hiling na dagdag na pasilidad ng mga student leader.
Paliwanag ni Regent Rufino, noong panahon na nag-aaral pa siya ay wala namang tanggapan para sa mga organisasyong binubuo ng mga mag-aaral.
20 student leader mula sa University Supreme Student Government (USSG), 22 sa College of Education Student Council (COESCO), at 24 sa College of Arts Student Council (CALSCO) ang magkakahati sa iisang maliit na kwartong inilaan bilang student council office.
Personal na ring nagpunta sa tanggapan ni Cong. Rebecca “Mia” Ynares ang ilang opisyal ng URSA, kasama ang tatlong student council, noong Setyembre 12, 2025 upang ipakiusap ang dagdag na pasilidad para sa mga mag-aaral ng URSA na naipangako ni Gov. Nina Ricci Ynares sa ika-28 anibersaryo ng kampus.
Ayon sa kongresista, handa ang gobernadora na magpatayo ng bagong gusali kung makahahanap ng lupa ang lokal na pamahalaan ng Angono sa pangunguna ni Mayor Jerry Calderon.
1,867 ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral ng COE at CAL sa kasalukuyang papatapos na taong panuruan base sa datos mula sa Registrar.
Siyam na silid ang kasalukuyang nakalaan para sa mga mag-aaral ng COE, habang pito naman sa CAL.
Samantala, titingnan naman ni Regent Rufino ang posibilidad ng pagpapakabit ng exhaust fans sa mga silid ng kampus para makabawas sa init.
isinulat ni Aaron Joseph Pulan
mga kuha ni Ella Liboon