04/09/2025
| The Cascade Effect of Blood Money
Sa kabila ng mga pangakong sinisigaw sa mga taong bayan, nanatiling nagdurusa sa lubog ng baha ang karamihang komunidad sa Pilipinas. Pinsalang nararamdaman ng lahat, mapa ari-arian, kabahayan at sa mismong mga sarili nila na patuloy pa rin sa pagsusumikap. Pagtaas ng mga sakit kabilang na ang kaso ng Leptospirosis, isang maselang kondisyon na matindi sa panahon ng pagbaha. Anunsyo ng Department of Health (DOH) simula ng Hunyo 8 hanggang sa Agosto 7, 2025, ang nabilang kaso ng Leptospirosis ay umabot na ng mahigit 2,396 sa buong Pilipinas.
Habang nagpapatuloy ang matinding agos ng tubig, hindi rin nakalimutang alalahanin ng mga Pilipino ang di umano ng mga "ghost projects" ng Pilipinas. Lumalabas na mga ulat ukol sa sinasabing ghost projects, kapalpakan na flood control systems, at iba pa, na mistulang hindi nabibigyang aksyon ng gobyerno. Mainit ngayon sa atensyon ng karamihan ang umano'y korapsyon sa bilyon-bilyong pondo na inilaan para sa flood control programs, na ibinulsa ng ilang mga politiko at lalo na't sa mga kontraktor at opisyal ng Department of Public Wealth and High Waste (DPWH) ang usap-usapan sa balita.
Ayun pa nga ni Ms. Jessica Soho sa programa niyang isinawalat ang pangungurakot ng gobyerno sa mga Pilipino, "Hindi pala baha ang magpapalubog sa ating bayan, kundi...Kasakiman."
Kasakiman na siyang harap harapan na ipinagmamalaki ng mga taong nasa kapangyarihan.
Ayon sa Batas Republika Blg. 6713, Seksyon 4, Talata (h), inaasahan ang mga pampublikong opisyal na sumunod sa mataas na pamantayan ng etikal na pag-uugali sa paglilingkod publiko, lalo na sa wastong paggamit ng mga yaman at pondo ng gobyerno (Batas Republika Blg. 6713, Seksyon 4, Talata (h)). Ang bawat opisyal ng gobyerno ay inaasahan na mamuhay ng mapagkumbaba at umiwas sa pagmamalaki ng kanilang marangyang pamumuhay. Subalit, salungat ang natutunghayan ng mamayang Pilipino ngayon.
Sina Claudine Co and Gela Alonte ay iilan lamang sa mga anak ng nanunungkulan sa bayan na naging tampulan ng batikos sa social media dahil sa kanilang marangyang pamumuhay. Mula sa mga designer bags at out-of-the-country trips– mga bagay na sapat nang magpatayo ng pasilidad para sa publiko– hindi lihim ang kanilang maginhawang pamumuhay sa mamayang pilipino na naghahanap-buhay upang makabayad ng buwis na binubulsa ng kanilang pamilya.
Ang ama ni Claudine, si Christopher Co, ay may-ari ng Hi-Tone Construction & Development Corporation, iisa sa 15 na contractors na kinilala ng Malacañang na tumulong sa pag-gawa ng flood control projects. Siya rin ay pamangkin ni Zaldy Co, isa sa mga tumulong sa paggawa ng nasabing proyekto. Sa bilyong-bilyong piso na dumaan sa mga kamay ng Co’s, iilan lamang kaya ang napunta sa bayan? At magkano ang kanilang naibulsa para sa kanilang private plane trips at paris fashion show tickets?
Bagama’t hindi nila kasalanan na maipanganak sa ganoong uri ng pamumuhay, hindi man lang ba nila naisip ang magiging reaksyon ng taong-bayan sa kanilang pagmamalaki? “Pano ba ’yan, nasa political dynasty ang pamilya ko?” Ito ang eksaktong mga salitang binitiwan ni Gela Alonte matapos tanungin kung ano ang kanyang nararamdaman bilang bahagi ng isang pamilyang kabilang sa political dynasty.
Nagsilabasan ang galit ng mga Pilipino sa social media matapos marinig ang pahayag na ito. Binaha siya ng batikos, at ganoon din ang nangyari sa Biñan City matapos niyang bigkasin ang mga salitang iyon.
Habang ang isang kilalang pamilya ngayon ay inuulan ng batikos — pamilyang Discaya. Sina Cezarah Rowena “Sarah” Cruz Discaya at ang kanyang asawa na si Pacifico Discaya II. Dahil sa lumutang nilang interview noong Setyembre 2024 kung saan ipinakita nila ang kanilang 40 luxury cars, art collection, bahay, at iba pa. Pero ang bahaging kinagalit ng netizens, ay nang tanungin sila ng kilalang mamamahayag na si ay si Julius Babao kung ano ang naging gateway ng kanilang pagyaman, na sinagot ni Sarah Discaya, “Nung nag-DPWH kami.”
Si Sarah Discaya ay konektado sa kumpanya ng konstruksyon na St. Gerrard Construction Corporation, na tinagurian bilang isa sa mga nangungunang kontratista para sa iba't ibang proyekto sa flood control noong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tama nga ba ang kanilang pagmamalas ng karangyaan dahil ito ay bunga ng “paghihirap” ng kanilang pamilya? O unawaain natin at bigyan sila ng kaunting kabutihan dahil tao lang din sila?
Ang ating bansa ay hindi lamang nalulubog sa baha, pati narin sa kasakiman na pilit ipagpikit mata ng mga buwaya. Hanggang kailan magbubulag-bulagan ang mga nasa kapangyarihan? Kailan mararamdaman ang tunay na konsensya ng burgis, o ito’y patuloy lamang na magiging siklo ng pang-aabuso? Ayon pa sa panayam ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kaniyang interbyu kasama si Jesicca Soho “Good governance has become an exception rather than a norm dito sa pilipinas.”
Kasalukuyang iniimbestigahan ang marangyang pamumuhay ng mga kawani ng gobyerno, sinimulan na daw sa DPWH. Ito ay dahil sa utos ng kasalukuyang president ng bansa, Ferdinand Marcos Jr.
At hanggang kailan magiging sentro ito ng balita? Hanggang may dumating ba na bagong isyu na mas gigimbal sa taong bayan? Gising Pilipinas! Wag hayaang ito'y mabaon sa limot at walang napapanagot!