
12/09/2025
BREAKING NEWS | RETIRED AFP AT PNP OFFICERS, NANAWAGAN NG AGARANG PAGBIBITIW NI ROMUALDEZ BILANG SPEAKER
Sa isang FB post ni Senator Ronald 'Bato' Dela Rosa, naglabas ng bukas na liham ang grupo ng mga retiradong opisyal ng AFP at PNP, kasabay ng ilang miyembro ng UP Vanguard at mga nag-aalalang mamamayan, kung saan mariin nilang hiniling ang agarang pagbibitiw ni House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Sa kanilang pahayag, inakusahan nila si Romualdez na walang malasakit sa lumolobong utang ng bansa na umabot na sa ₱15.589 trilyon hanggang Agosto 2024. Ayon sa kanila, pinilit pa rin umano nitong isulong ang ₱6.352 trilyong pambansang badyet para sa 2025, kahit na ₱4.64 trilyon lamang ang inaasahang kita ng gobyerno, na nagbubunga ng ₱1.712 trilyong depisit.
Bukod dito, iginiit nilang nilustay umano ng lider ng Kamara ang ₱26.7 bilyon mula sa pondo ng DSWD-AKAP para sa umano’y huwad na people’s initiative na naglalayong baguhin ang Konstitusyon.
Kasama rin sa kanilang batikos ang umano’y pagkabigo ni Romualdez na supilin ang malawakang korapsyon sa gobyerno na kumakain ng halos 20% ng pambansang badyet taon-taon. Giit nila, kung wala ang katiwalian, mas mataas pa sana ang budget para sa 2025 kaysa noong 2024. Binanggit din nila ang hindi pagkilos ni Romualdez para alisin ang bansag na ang Kongreso ay “pinakamalaking sindikato sa Pilipinas,” ayon sa BizNews Asia.
Dagdag pa rito, binusisi ng liham ang umano’y multi-milyong donasyon ni Romualdez sa Harvard University at ang mga ulat ng kaniyang pagbili ng mga ari-arian at 20% na bahagi sa EEI na nagkakahalaga ng ₱1.25 bilyon.
Giit ng grupo, malinaw na sa ilalim ng kaniyang pamumuno sa Kamara, nagamit ang buwis ng taumbayan na para bang personal na pondo ng iilang nasa kapangyarihan.
“Batay sa mga ito, panahon na para bumaba ka sa puwesto. Ngayon na,” mariing pahayag ng mga lumagda sa liham.