NOHS - Ang Aninag

NOHS - Ang Aninag Ang Opisyal na Pahayagang Filipino ng Negros Occidental High School Ang Aninag ay ang opisyal na pahayagan sa Filipino ng Negros Occidental High School.
(1)

Layunin naming makiisa sa pagprotekta at pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag, sa pamamagitan ng pagmulat sa mga mag-aaral tungkol sa mga detalye ng iba't ibang mahahalagang kaganapan, usapin, at mga topikong kailangang bigyang pansin at pag-usapan, sa loob at labas ng paaralan.

BALITA NGAYON  |  ‎Muling bumalik ang normal na operasyon ng Messenger, Facebook, at iba pang pangunahing platforms ng M...
12/06/2026

BALITA NGAYON | ‎Muling bumalik ang normal na operasyon ng Messenger, Facebook, at iba pang pangunahing platforms ng Meta matapos ang higit isang oras na malawakang teknikal na pagkaantala na nagdulot ng kalituhan at aberya sa milyun-milyong user sa buong mundo, Hunyo 12.

‎"Batid naming kasalukuyang nakararanas ng suliranin ang mga tao sa pag-access sa aming mga serbisyo sa kasalukuyan. Ginagawan na namin ito ng paraan," ayon kay Andy Stone, tagapagsalita ng Meta.

‎Nakapagtala ang outage tracking website na downdetector.ph ng halos 25,000 opisyal na ulat ng problema sa pag-access ng Facebook, humigit-kumulang 12,000 sa Messenger, at 1,487 sa Instagram dakong alas-9 ng gabi.

‎Matatandaang nagkaroon ng kaparehong isyu noong Disyembre 2024, subalit hindi isinapubliko ng Meta ang naging sanhi nito.

-

ARAW NG KALAYAAN  |  Kalayaan, Kinabukasan, KasaysayanYabag ng tapang at diwa, tinig ng pagkakaisa, at bulong ng nakaraa...
12/06/2026

ARAW NG KALAYAAN | Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan

Yabag ng tapang at diwa, tinig ng pagkakaisa, at bulong ng nakaraan ang nagbibigay-buhay sa bawat kuwentong kinakatawan ng watawat ng inang bayan. Marahang ihip ng hangin ang tila nagpapasayaw sa bandila sa ilalim ng bughaw na himpapawid, na tila nagsasalaysay ng mga kuwentong iniwan ng kasaysayan. Mga kuwentong hindi lamang dapat alalahanin, kundi dalhin at isabuhay upang magsilbing tanglaw sa landas tungo sa mas makulay na kinabukasan.

Makabuluhang inukit sa kasaysayan at sa puso ng bawat Pilipino ang ika-12 ng Hunyo 1898 nang buong tapang na kumawala sa tanikala ng pananakop ang sambayanan at muling naiangat ang tinig ng kalayaang matagal na ipinagkait. Isang tagumpay itong nagbukas ng panibagong yugto para sa bansa at nagsilbing daan tungo sa kinabukasang malayang hinuhubog ng mga mamamayan.

Sa kasalukuyan, higit na binibigyang-diin ng temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan” ang kahalagahan ng kalayaang tinatamasa, ng kasaysayang patuloy na gumagabay, at ng kinabukasang ipinundar ng sakripisyo at katapangan ng mga bayaning nauna. Mula noon, taon-taong binabalikan ng sambayanan ang tagumpay na nagsilbing pundasyon ng malayang
kinabukasang tinatamasa ngayon.

Maligayang Araw ng Kalayaan!

-

Sulat ni: Khayze Presquito
Disenyo ni: Elthea Mercado

GLOBAL ANINAG  #27  |  International Day of PlayNoong Marso 2024, itinatag ng United Nations General Assembly ang Intern...
11/06/2026

GLOBAL ANINAG #27 | International Day of Play

Noong Marso 2024, itinatag ng United Nations General Assembly ang International Day of Play. Ipinagdiriwang ito tuwing ika-11 ng Hunyo upang magbigay-kaalaman tungkol sa kahalagahan ng karapatan ng bawat bata na maglaro.

Kinikilala ang paglalaro bilang isang aktibidad na nakatutulong sa indibidwal na pag-unlad, pagkatuto, at paglilibang ng mga bata. Binubuo at pinatatatag nito ang koneksyon sa kapwa, pag-unawa sa sariling emosyon, pagpapalawak ng isipan, at pagharap sa mga suliranin.

Kaugnay ng tema para sa taong ito na "Protect play, protect childhood", nagsisilbing panawagan ang araw na ito sa buong mundo na kilalanin ang kapangyarihan ng paglalaro sa buhay ng mga bata at hikayatin ang mga pamahalaan, paaralan, at pamilya na magkaisa upang palaganapin ito para sa kanilang kapakinabangan at kinabukasan.

_

Sulat ni: Mary Iris Laurel
Disenyo ni: Latrell Casia

Balik-Eskwela '26: Kahalagahan ng pagkakataong makapag-aral binigyang-diinDahil nandito kayo, huwag ninyong sayangin ang...
08/06/2026

Balik-Eskwela '26: Kahalagahan ng pagkakataong makapag-aral binigyang-diin

Dahil nandito kayo, huwag ninyong sayangin ang sakripisyo at pagsisikap na makapasok sa ating paaralan.

‎Ito ang naging hamon ni Dr. Cheryl Tondo, punong-g**o ng Negros Occidental High School (NOHS), sa pagbabalik-eskwela ng libu-libong mag-aaral sa ginanap na opening program para sa taong panuruan 2026 - 2027.

‎Nakiisa rin sa naturang aktibidad si Gladys Amylaine Sales, Schools Division Superintendent, na nagpaalala na mapalad ang mga estudyante sa lalawigan dahil sa pagkakataong makapag-aral sa isang prestihiyosong institusyon tulad ng NOHS.

‎"Dapat lagi ninyong ibigay ang inyong buong kakayahan sa bawat pagsusulit, may kaakibat man itong grado o wala," pagbibigay-diin ni Sales habang binabalikan ang nagdaang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) summer program nitong bakasyon.

‎Bukod dito, ipinakilala ang mga g**o at tagapangasiwa ng bawat departamento at nagpakitang-gilas din sa pagsasayaw ang mga grupong Offbeat at VoidSync.

_

Sulat ni: Shainie Magbiray
Kuha nina: Elthea Mercado, Elaine Baylon, at Khezia Algabre

BALITANG ISPORTS  |  Eala muling nag-uwi ng korona sa WTA 125 Muling nagningning ang tatak-Pilipino ni Alex Eala matapos...
08/06/2026

BALITANG ISPORTS | Eala muling nag-uwi ng korona sa WTA 125

Muling nagningning ang tatak-Pilipino ni Alex Eala matapos pataubin si Nikola Bartunkova ng Czech Republic, 5-7, 6-3, 7-5, sa isang mahigpit na tatlong set na laban upang masungkit ang kampeonato sa WTA 125 Birmingham Open sa United Kingdom, Hunyo 7.

"Pagkapanalo ko sa tropeong ito, hindi kaagad nangangahulugang kabilang na agad ako sa mga dakila, kaya lalo pa akong naiinspire na magpatuloy sa pagsisikap," saad ng atleta.

Ramdam agad ang tensyon sa pagitan nila Eala at Bartunkova sa pagsimula ng unang labanan kung saan agad na dehado ang Pilipina ng magkaroon ng bentahe ang kalaban nang maangkin nito ang laro.

Samantala, hindi naman nagpatinag si Eala sa sumunod na tapatan nang agresibong pumalo at naghatid ng mas matatag na serbisyon upang maitulak kalaban sa isang deciding set.

Bukod pa rito, isa sa mga naging tampok sa ikalawang set ang matitinding baseline rallies at mahusay na pagdepensa ng Pilipina na naging susi upang mabasag ang momentum ng Czechs.

Dahil dito, mas umigting ang sagupaan sa huling bakbakan kung saan patuloy na nanatiling kalmado si Eala sa mga kritikal na sandali upang muling maselyuhan ang kampeonato.

"Maraming salamat sa lahat ng patuloy na naniniwala at sumusuporta sa akin, ang tagumpay na ito para rin sa inyo." dagdag pa ni Eala.

Kabilang ang WTA 125 sa mahahalagang torneo ng WTA na nagbibigay ng ranking points tungo sa mas malalaking kompetisyon tulad ng Grand Slam events.

-

Sulat ni: Shayne Barcelo
Litrato mula sa: GMA Sports PH

BALITANG NASYONAL  |  19 patay, 200 sugatan sa lindol sa MindanaoHumigit-kumulang 19 na katao ang nasawi at mahigit 200 ...
08/06/2026

BALITANG NASYONAL | 19 patay, 200 sugatan sa lindol sa Mindanao

Humigit-kumulang 19 na katao ang nasawi at mahigit 200 ang nagtamo ng mga pinsala matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang iba’t ibang bahagi ng Mindanao, Hunyo 8.

Sa kabuuan ng mga naiulat na pagkamatay, 16 ang nagmula sa SOCCSKSARGEN at tatlo naman sa Davao Region.

Naitala ang Intensity VII sa General Santos City, na nagpapahiwatig ng napakalakas na pag-alog ng lupa na nagdulot ng malaking pinsala sa mga gusali.

"Kumikilos na ang pambansang pamahalaan at hindi namin pababayaan ang Mindanao, patuloy ang aking pakikipag-ugnayan sa aming mga tanggapan sa rehiyon at sa mga lokal na opisyal na nasa apektadong mga lugar," saad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inilabas niyang pahayag.

Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagmula sa Cotabato Trench ang lindol sa lalim na 33 kilometro (km), humigit-kumulang 32 km timog-kanluran ng bayan ng Maasim, Sarangani.

Sinundan ito ng anim na tsunami waves mula sa iba't ibang lugar, kung saan 1.4 metro higit sa karaniwan ang pinakamataas.

"Matapos ang dalawang oras na obserbasyon, may naitalang bahagyang pagbabago sa lebel ng dagat, ngunit hindi sapat ang taas ng mga alon upang magdulot ng pinsala," ayon sa PHIVOLCS, kaugnay ng pagkansela ng tsunami warning.

Kasabay nito, isinuspinde ang unang araw ng klase sa ilang bahagi ng Mindanao kasunod ng nasabing lindol.

Ayon sa Department of Education (DepEd), tinatayang 3.2 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan at 6,200 paaralan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at CARAGA ang naapektuhan ng sakuna.

Ito ang pinakamalakas na lindol na naranasan sa Pilipinas mula pa noong 1990, kung saan niyanig ang Luzon ng kaparehong magnitude.

Maaaring kaugnay ito sa sa pagkakabilang ng bansa sa Pacific Ring of Fire, isang arko ng mga aktibong bulkan sa paligid ng Karagatang Pasipiko kung saan madalas nagaganap ang mga lindol at pagsabog ng bulkan.

_

Sulat ni: Ehra Pacificar
Litrato mula kay: Richard Ababa

08/06/2026

PANOORIN | Balik-Eskwela 2026

Muling napuno ng sigla at kasiyahan ang bawat sulok ng Negros Occidental High School sa opisyal na pagbubukas ng School Year 2026–2027 nitong Hunyo 8.

Kasabay ng unang araw ng pasukan, mahigit 10,000 na kabuuang mag-aaral ang sumabay sa pagbubukas ng klase kasama ang mga g**o at kawani ng paaralan para sa panibagong taon ng pagkatuto at mga oportunidad.

_

Ulat ni: Ysabella Alulod at Kraven Loquisan
Kuha ni: Arc Kelly Hechenova
Taga-edit ng Bidyo: Thea Mare Rosal

TINGNAN  |  Libu-libong mag-aaral ng Negros Occidental High School (NOHS) ang dumalo sa ginaganap na flag ceremony sa un...
07/06/2026

TINGNAN | Libu-libong mag-aaral ng Negros Occidental High School (NOHS) ang dumalo sa ginaganap na flag ceremony sa unang araw ng klase ng taong panuruan 2026-2027, Hunyo 8.

Tinatayang nasa 10,000 ang kabuuang bilang ng estudyante ng NOHS sa nasabing taunang panuruan.

-

Kuha ni: Khezia Algabre

12k, ano tara? Kasama ang paboritong Bantay, ating ipinagdiriwang ang pag-abot sa 12,000 followers—isang tagumpay na hin...
05/06/2026

12k, ano tara?

Kasama ang paboritong Bantay, ating ipinagdiriwang ang pag-abot sa 12,000 followers—isang tagumpay na hinubog ng tiwala, pakikiisa, at paninindigan para sa katotohanan.

Mula sa mga titik na binuo ng katotohanan hanggang sa mga kuwentong humuhubog ng kamalayan, patuloy nating pinatutunayan na may lakas ang bawat impormasyong naihahatid at bawat tinig na napapakinggan.

Sa likod ng bawat artikulo may mga mambabasang handang makiisa, magtanong, at makialam. Dahil sa inyo, higit na lumawak ang ating abot at naging mas makabuluhan ang bawat kuwentong ating isinasalaysay.

Labindalawang libong pasasalamat! isang tagumpay na hindi lang numero—kundi patunay ng tiwala, pakikiisa, at paninindigang sama-samang isinusulong ang kaalaman at katotohanan. Habang patuloy tayong sumusulong, asahan ninyo ang mas marami pang kuwentong magbibigay-liwanag, magpapalakas ng boses, at magpapalalim ng kamalayan sa mahahalagang usapin.

Patuloy na mamamahayag para sa pang kalahatan - Ang Aninag. ✨

-

Disenyo ni: Latrell Job Casia

PAGBATI  |  Siyam na alumni ng Negros Occidental High School (NOHS) Class of 2026 ang kabilang sa mga bagong iskolar ng ...
03/06/2026

PAGBATI | Siyam na alumni ng Negros Occidental High School (NOHS) Class of 2026 ang kabilang sa mga bagong iskolar ng Department of Science and Technology-Science Education Institute (DOST-SEI), Mayo 30.

Narito ang siyam na mag-aaral mula sa NOHS na nakapasok sa talaan ng mga iskolar ng DOST-SEI:
• Yohann Jed Rufin Alamon
• Gegan Ray Gamao Cahilig
• Reign Dagandanan Enriquez
• Kenjie Santillan Francisco
• Russell Dominic Treyes Guanco
• Jeremiah Serisola Monebit
• Christian Lhyle Nulada
• Aaron Josh Cervera Wong
• Kheziah Peniel Reoyo Ortiaga

Ayon sa ulat ng nasabing ahensya, umabot sa 8,500 ang nakapasa mula sa 97,617 examinees, na katumbas ng 8.71% na passing rate.

"Para sa akin, sadyang napakahirap ng DOST-SEI exam, 'piga-utak' ika nga nila, at hindi pwedeng umasa sa stock knowledge lang," ani Francisco, isang dating mag-aaral ng NOHS na kabilang sa mga nakapasa sa pagsusulit.

Dagdag pa niya, sobrang higpit ng kompetisyon lalo na't napakababa ng acceptance rate ngayong taon, kaya naman labis ang pasasalamat at saya niya na isa siya sa kakaunting porsyento ng mga nakapasa sa buong bansa.

Kaugnay rito, mula sa Luzon ang may pinakamataas na examinees na mayroong 57,951, sinundan ng Visayas na may 21,227, at Mindanao na may 18,439.

"Anuman ang strand na pinili mo, anuman ang iyong pinagmulan o naging karanasan, kung kalooban ito ng Diyos, mangyayari ito," saad ni Ortiaga, nag-iisang kwalipikadong iskolar na nagmula sa Technical Vocational Livelihood (TVL) strand ng NOHS.

Pahayag naman ni Dr. JL Cornelio, direktor ng DOST-SEI, isa sa mga kagandahan ng pagiging iskolar ang pagiging bahagi ng isang komunidad ng mahuhusay, matatalino, at pursigidong estudyanteng Pilipino.

Bukod pa rito, naglaan ang DOST-SEI ng ₱7.6 bilyong pondo para sa 8,500 qualifiers sa ilalim ng Batas Republika Blg. 7687, habang 3,400 naman ang nasa Merit Scholarship Program para sa Fiscal Year 2026, bilang suporta sa mga mag-aaral sa agham at teknolohiya.

-

Sulat ni: Princess Ciara Magbanua
Disenyo nina: Jad Amores at Gwenyth De la Cruz

Address

MW6V+VJC, Paglaum Road, Araneta-Hernaez Sts
Bacolod City
6100

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when NOHS - Ang Aninag posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Business

Send a message to NOHS - Ang Aninag:

Share

Category