NOHS - Ang Aninag

NOHS - Ang Aninag Ang Opisyal na Pahayagang Filipino ng Negros Occidental High School Ang Aninag ay ang opisyal na pahayagan sa Filipino ng Negros Occidental High School.

Layunin naming makiisa sa pagprotekta at pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag, sa pamamagitan ng pagmulat sa mga mag-aaral tungkol sa mga detalye ng iba't ibang mahahalagang kaganapan, usapin, at mga topikong kailangang bigyang pansin at pag-usapan, sa loob at labas ng paaralan.

ALAM MO BA  |  Nat'l Space Week: Tinatanaw Mula sa KalawakanNakaangat ang ulo ni Elan, nanlaki ang mga kumikislap niyang...
13/08/2025

ALAM MO BA | Nat'l Space Week: Tinatanaw Mula sa Kalawakan

Nakaangat ang ulo ni Elan, nanlaki ang mga kumikislap niyang mata sa mga bituing sumisilip sa langit habang nakapila siya para gamitin ang teleskopyo. Hindi mapirming hinawakan niya nang mahigpit ang instrumento, at bahagyang napanganga nang makita ang tanawin sa dulo nito, hindi makapaniwala sa kaniyang nakita.

Alinsunod sa Proclamation No. 302, s. 2023 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing Agosto 8–14 ang National Space Week. Layunin nitong iangat ang kaalaman ng mga Pilipino sa agham pangkalawakan at teknolohiya, at kilalanin ang mga ambag at kahalagahan nito sa pambansang kaunlaran.

Sa paggunita ng ikatlong taon nito, inihayag ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang temang “ ay Likas sa Maunlad na Kinabukasan,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga yamang pangkalawakan bilang saligan ng matatag at maunlad na hinaharap.

Isa ang mga satelayt sa mga yamang pangkalawakan na nagbibigay tulong at kakayahan sa bansa para matugunan at pagandahin ang sistema ng iba’t ibang sektor. Kilalanin ang mga bituing gabay sa kalawakan na katuwang ng mga Pilipino sa pag-abot ng pangarap ng isang ligtas, maunlad, at handang kinabukasan.

-

Sulat ni: Brilliana Mananquil
Disenyo ni: Gegan Cahilig

GLOBAL ANINAG  #4  |  International Lefthanders Day Tuwing ika-13 ng Agosto, ipinagdiriwang ang International Lefthander...
13/08/2025

GLOBAL ANINAG #4 | International Lefthanders Day

Tuwing ika-13 ng Agosto, ipinagdiriwang ang International Lefthanders Day—isang araw na nagbibigay-pugay sa higit 10% ng populasyon sa mundo na gumagamit ng kaliwang kamay bilang pangunahing kasangkapan sa pagsusulat, paglalaro, at iba pang gawain. Itinatampok nito ang kahusayan, kakayahan, at natatanging perspektibo ng mga kaliwete, gayundin ang hamon na kanilang hinaharap sa isang mundong idinisenyo para sa kanan. Nagsimula itong ipagdiwang noong 1976 sa inisyatiba ng Left-Handers Club na itinatag ni Dean R. Campbell sa United Kingdom upang palaganapin ang kamalayan at pagtanggap sa pagkakaibang ito.

-

Sulat ni: Joshua Daquio
Guhit ni: Denise Noble

12/08/2025

ANINAG SA SULOK | Wikang Filipino linangin

‎Komplikado

‎Ganyan kung ilarawan ng mga mag-aaral ng Negros Occidental High School ang mga salitang pinahulaan sa kanila.

‎Bagaman nahirapan man sa pagsagot, ipinakita pa rin nila ang pagkasabik at pagiging bukas sa pagkatuto tungo sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa wikang Filipino.

-

Ulat ni: Rhian Diguet
Kuha ni: John Traves Mahilum
Taga-edit Ng Bidyo: Joshua Daquio


GLOBAL ANINAG  #3  |  International Youth DayTuwing ika-12 ng Agosto, ipinagdiriwang ang International Youth Day—isang a...
12/08/2025

GLOBAL ANINAG #3 | International Youth Day

Tuwing ika-12 ng Agosto, ipinagdiriwang ang International Youth Day—isang araw na kinikilala ang lakas, talino, at ambag ng kabataan sa buong mundo. Ngayong araw, iginugunita ito na may temang “Local Youth Actions for the Sustainable Development Goals (SDGs) and Beyond," na nagtatampok sa natatanging papel ng kabataan sa pagsasalin ng mga pandaigdigang layunin tungo sa mga realidad na hinimok ng komunidad. Itinatag ito ng United Nations noong 1999 sa bisa ng Resolusyon 54/120 at unang opisyal na ipinagdiwang noong 2000.

-

Sulat ni: Chenice Rivera
Guhit nina: John Dela Peña at Liz Ducay

BALITANG PAMPAARALAN  |  PEACE Campaign patuloy na pinatitibay sa NOHSKalayaan, ito ang pangunahing tema sa ikaanim na l...
11/08/2025

BALITANG PAMPAARALAN | PEACE Campaign patuloy na pinatitibay sa NOHS

Kalayaan, ito ang pangunahing tema sa ikaanim na linggo ng itinataguyod na programa para sa Powering Empathy Acceptance and Connection Everyday (PEACE) Campaign, Agosto 11.

“Huwag nating hayaan ang ating sarili na alipinin ng inggit, takot, kahambugan, imoralidad, pagiging ganid, at lalong-lalo na ng kasalanan,” ani Roanne De Los Reyes, g**o sa NOHS.

Dagdag pa ni De Los Reyes, walang naidudulot na kapayapaan ang mga taong nabubuhay sa pagkakasala sa kanyang sarili maging sa ibang tao.

Kasabay nito, umindak ang mga g**o ng Kagawaran ng Filipino kasama ang mga mag-aaral ng Special Program in the Arts (SPA) sa aktibidad na Groove it to the PEACE: Indak Kontra Bully bilang suporta laban sa pambubulas.

Matatandaang unang inilunsad ang programang panrehiyon na ito noong Hulyo 21, na dinaluhan ng mga kawani mula sa Department of Education (DepEd) - Division of Negros Occidental.

-

Sulat nina: Princess Magbanua at Chenice Rivera
Kuha ni: Latrell Casia

SAL1N-SAL1N DITO  |  Mukha sa Likod ng mga Di-Malilimutang KathaIka-11 na! Halina’t mag salin-salin at maglakbay sa mund...
11/08/2025

SAL1N-SAL1N DITO | Mukha sa Likod ng mga Di-Malilimutang Katha

Ika-11 na! Halina’t mag salin-salin at maglakbay sa mundo ng panitikan!

Ngayong ika-11 ng Agosto, bagong kaalaman at inspirasyon mula sa iba’t ibang Pilipinong manunulat na nag-iwan ng hindi matatawarang ambag sa larangan ng literatura at wikang filipino ang aming hatid. Tuklasin ang kanilang mga obra maestra, at kwento, na patuloy na nagbibigay kulay sa mga Pilipino.

Kaya, halina at alamin kung sino-sino ang mga manunulat na ito. Kilala niyo ba sila?

-

Sulat ni: Jhasmin Regalado
Disenyo ni: Gegan Cahilig

BALITANG PAMPAARALAN  |  Pagsasanay sa pamamahayag pinasinayaanMas mainam ang mapurol na lapis kaysa sa isang matalas na...
09/08/2025

BALITANG PAMPAARALAN | Pagsasanay sa pamamahayag pinasinayaan

Mas mainam ang mapurol na lapis kaysa sa isang matalas na isip.

Ito ang naging pangunahing paalala ni Allen Del Carmen‚ propesor at mamamahayag sa ginanap na Training Workshop for Special Program in Journalism (SPJ)‚ Agosto 9.

Dinaluhan ang unang araw ng pagsasanay ng 97 mamamahayag pangkampus ng Negros Occidental High School (NOHS)‚ kabilang na ang Ang Aninag at The Reflector.

“Mahalaga ang pangangalap ng datos bago ka magsimulang magsulat‚ dahil wala ‘kang artikulo kung wala ‘kang mga datos‚ at wala ‘kang artikulo kung wala ‘kang katotohanan‚” ani Atty. Joevel Bartolome‚ dating mag-aaral ng nasabing paaralan‚ mamamahayag pangkampus‚ at g**o sa dyornalismo.

Gaganapin ang ikalawang parte ng nasabing pagsasanay sa susunod na Sabado‚ Agosto 16 at huling bahagi sa Agosto 23.

-

Sulat ni: Sasha Estil
Kuha nina: Arckelly Hechanova, Jester Abad, at Eunice Sandot

GLOBAL ANINAG  #2  |  International Day of the World's Indigenous PeoplesTuwing Agosto 9, ipinagdiriwang ang Internation...
09/08/2025

GLOBAL ANINAG #2 | International Day of the World's Indigenous Peoples

Tuwing Agosto 9, ipinagdiriwang ang International Day of the World's Indigenous Peoples—isang paggunita na may layuning ipalaganap ang kaalaman tungkol sa pangangailangan at karapatan ng mga katutubong grupo. Itinatag ito ng United Nations General Assembly upang kilalanin at wakasan ang libo-libong taong pagsasawalang bahala at pagpapabaya na nagdulot ng kakulangan sa pagkakataon ng mga etnikong grupo sa edukasyon, kalusugan, at komunikasyon.

Magkaisa tayo upang matiyak na pantay-pantay na nakukuha ng lahat ang kanilang karapatan. Dapat walang iwanan!

-

Sulat ni: Keziah Gwenyth de la Cruz
Guhit ni: Liz Ducay

TINGNAN  |  Nakiisa ang mga miyembro ng Negros Occidental High School (NOHS) - Ang Aninag, kasama ang NOHS - The Reflect...
09/08/2025

TINGNAN | Nakiisa ang mga miyembro ng Negros Occidental High School (NOHS) - Ang Aninag, kasama ang NOHS - The Reflector at ibang mamamahayag pang-kampus ng paaralan, sa isinagawang Training Module for Special Program in Journalism, Agosto 9.

-

Kuha ni: Jester Abad

BALITANG PAMPAARALAN  |  Mga dayuhang boluntaryo mula Taiwan dumayo sa NOHSBitbit ang mga ngiti, kultura, at hangaring m...
08/08/2025

BALITANG PAMPAARALAN | Mga dayuhang boluntaryo mula Taiwan dumayo sa NOHS

Bitbit ang mga ngiti, kultura, at hangaring maglingkod, bumisita ang mga dayuhang boluntaryo bilang bahagi ng kanilang ika-11 na Summer Service-Learning Exposure sa Negros Occidental High School (NOHS), Agosto 8.

Binubuo ang Wenhua Group of Volunteers ng mga estudyante mula sa Fu Jen Catholic University sa Taiwan.

“Ngayong araw, narito kami upang ibahagi ang aming kultura, pagkain, at paaralan sa Taiwan, unang beses naming makarating sa Pilipinas at labis naming ikinatuwa ang masarap na pagkain at mainit na pagtanggap ng mga mag-aaral,” ani Chang Shin Yu, isa sa mga mag-aaral.

Layunin ng nasabing pagbisita na makipag-ugnayan, maghatid ng saya at inspirasyon, at makipagpalitan ng kaalaman at kultura sa mga estudyante ng paaralan.

Nakatakda ring magsagawa ang grupo ng mga cultural interaction at iba pang kaugnay na aktibidad pang-edukasyon sa iba't ibang paaralan sa Negros Occidental sa loob ng kanilang isang buwang pananatili sa lalawigan.

"Isa itong adbokasiya—isang bagay na ginagawa nang lampas sa tungkulin at hindi para sa pera kundi para mapagtagpo ang pagkakaiba-iba ng kultura, kahit gaano pa tayo kaiba," ani Ma. Venus Lorny Villarosa, tagapangasiwa ng Service-Learning Office ng Catholic Ming Yuan College.

Taunang nakikibahagi ang samahan sa mga gawaing pangkultura at pang-edukasyon sa iba’t ibang institusyon sa bansa mula pa noong 2012.

-

Sulat ni: Peaches Togado
Kuha ni: Arckelly Hechanova

EDITORYAL  |  Wikang Sinilangan Huwag Ipalimot sa Kabataan Mahalagang patatagin ang edukasyon upang mapagyaman ang pagpa...
06/08/2025

EDITORYAL | Wikang Sinilangan Huwag Ipalimot sa Kabataan

Mahalagang patatagin ang edukasyon upang mapagyaman ang pagpapahalaga sa wikang katutubo at pambansa sapagkat ito ang ating pagkakakilanlan at daan tungo sa pag-unlad ng lipunan.

Ngayong Agosto 2025, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika na may temang “Ang Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagbuo ng Bansa.” Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 76% ng kabataang Pilipino ang may mababang kamalayan sa kahalagahan ng wikang Filipino. Sa paglunsad ng Buwan ng Wika, layunin ang pagpapaunlad ng kasanayan at pagpapahalaga sa wikang Filipino at katutubong wika.

Natatangi ang wika ng bawat bansa, kaya kinikilala ito bilang simbolo ng pagkakakilanlan. Hatid ng wikang Filipino at katutubong wika ang puso ng bayan; saanman magtungo ang Pilipino, taglay ang diwa at lakas ng sariling wika. Sa bawat tagumpay at pakikibaka, dala ng mamamayan ang wikang kanilang sinilangan. Malaki ang naging bahagi ng wika sa proseso ng ebolusyon at pag-unlad ng bansa.

Sa bawat henerasyong dumadaloy, unti-unting naaapektuhan ang paggamit ng Filipino at katutubong wika. Karamihan sa kabataan ang mas sanay sa kolokyal at banyagang wika, na nagiging hadlang sa pag-unawa at pagpapahalaga sa sariling wika. Kailangang ibalik ang pagpapahalaga sa wikang bahagi ng kultura upang maunawaan ang kahalagahan nito sa pagpapaunlad ng bansa at pagpapayaman ng ating identidad.

Mainam ang mga organisadong programa sa loob at labas ng paaralan upang linangin ang kasanayan sa Filipino tulad ng sabayang pagbigkas, pagsulat ng sanaysay o tula, at pagkatha ng awit. Makatutulong ang mga aktibidad na ito sa pagpapalawak ng paggamit ng Filipino at katutubong wika sa pang-araw-araw na pamumuhay. Mas magiging makabuhulan din ang edukasyon kung may tiyak at sapat na suporta mula sa pamahalaan upang higit na mahubog ang kamalayan ng kabataan. Sa paraang ito, mapapalakas ang paggamit ng wika at ang pagpapatatag ng bayan.

Bahagi ng buhay ng lahat ang paggamit ng wikang sinilangan na may malalim na epekto sa lipunan. Panahon nang aralin at linangin ang sariling wika upang hindi ito mabura sa ating kasanayan at hindi masayang ang pagsisikap ng ating mga ninuno. Wika ang ugat ng ating kasaysayan—huwag hayaang mabulok at mapag-iwanan sapagkat sa paglimot dito, dala ang banta ng pagbagsak ng bayan.

-

Guhit ni: David Gulmatico
Disenyo ni: Gegan Cahilig

BALITANG PAMPAARALAN  |  Buwan ng Wikang Pambansa opisyal na sinimulanPagpapaigting ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa sa...
04/08/2025

BALITANG PAMPAARALAN | Buwan ng Wikang Pambansa opisyal na sinimulan

Pagpapaigting ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa sariling wika ang naging sentro sa pagbubukas ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Negros Occidental High School (NOHS), Agosto 4.

Sinimulan ang nasabing pagdiriwang na may temang “Paglinang sa Pilipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bayan,” na dinaluhan ng mga g**o at mag-aaral mula sa iba't ibang baitang sa paaralan.

Sa isang talumpati, binigyang-diin ni Kenjie Francisco, isang mag-aaral, mamamahayag pang-kampus, at youth leader ang kahalagahan ng pagpili ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng alitan.

"Hindi kailangang hintayin pa sa mga lider ng bayan ang pagbubuo ng kapayapaan. Minsan, simpleng desisyon ito na magmahal—kahit sa loob ng silid-aralan," saad ni Francisco.

Ibinahagi rin niya ang mga karanasan bilang lider sa paaralan at kung paano niya pinili ang makinig at kumilos tungo sa pagkakaisa.

Nanumpa rin sa katungkulan ang mga opisyal ng Samahang Filipino mula ika-7 hanggang ika-10 baitang at ang pangkalahatang pamunuan kasama ang kanilang tagapayo na si Bb. Janet Lelisa, sa pangunguna ni Bb. Donna Bella Aposaga, Assistant Principal II sa Junior High School Academics ng paaralan.

Poster slogan, BidyoKasiya, at Sulat-Bigkas ng Binalaybay, ang ilan sa mga patimpalak na itataguyod ng kagawaran para sa selebrasyong ito.

"Hindi lamang isang paalala ang tema, kundi isang panawagan—panawagan na bilang isang Pilipino, dapat nating linangin, pahalagahan, at ipagmalaki ang ating wika," ani Gng. Roanne De Los Reyes, g**o mula sa Kagawaran ng Filipino.
-

Sulat ni: Ayesha Monick Velasquez at Peaches Togado
Kuha nina: Elthea Mercado, Latrell Casia, at Arckelly Hechanova

Address

Bacolod City

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when NOHS - Ang Aninag posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Business

Send a message to NOHS - Ang Aninag:

Share

Category