14/07/2026
MAS LUNTIANG KINABUKASAN: BACOLOD SP ISINUSULONG ANG ABOT-KAYANG SOLAR ENERGY
BACOLOD CITY — Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Bacolod ang mas malawak na paggamit ng malinis at abot-kayang enerhiya matapos nitong aprubahan ang isang resolusyon na sumusuporta sa mga panukalang batas sa ika-20 Kongreso na magpapababa sa halaga ng solar panels, rooftop solar systems, at iba pang renewable energy technologies.
Ang resolusyon, na pangunahing inakda ni Councilor Atty. Caesar Distrito, ay humihiling sa Kongreso, sa pamamagitan ni Deputy Speaker Alfredo Abelardo "Albee" Benitez, na bigyang-priyoridad ang mga panukalang magpapagaan sa gastos sa paglipat sa solar energy para sa mga tahanan, negosyo, paaralan, at mga tanggapan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga isinusulong na reporma ang pagbabawas ng buwis sa solar systems, pagpapadali ng permit at installation process, pagpapalawak ng financing at government incentives, at pagpapalakas ng net-metering program upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa renewable energy.
Ayon kay Distrito, ang pagpapamura sa solar energy ay makatutulong sa pagpapababa ng buwanang bayarin sa kuryente, paglikha ng trabaho, pag-akit ng pamumuhunan, at higit sa lahat, sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbawas sa paggamit ng fossil fuels at greenhouse gas emissions.
Sa hakbang na ito, muling ipinakita ng Bacolod City ang suporta nito sa mga programang nagtataguyod ng malinis, napapanatili, at makakalikasang pinagkukunan ng enerhiya para sa susunod na henerasyon.