04/06/2025
Nang mahalal si Pope Francis noong 2013, nagkaroon tayo ng Santo Papa na kabilang sa orden ng mga Heswita. Ang ating kasalukuyang Santo Papa, si Pope Leo XIV, ay kabilang naman sa mga Agustino. At kung napadpad ka na sa UST, marahil ay nakakita ka na ng mga Dominikano.
Ano-ano nga ba ang mga ito?
Sa isang banda, ito ay mga tinatawag na religious order. Pero ang ugat ng mga orden ay mga magkakaibang paraan ng pamumuhay bilang Kristiyano, na may iba't ibang pokus at diin. Ang mga paraang ito ng pamumuhay, at pagpapabanal, ay tinatawag na "Catholic spiritualities."
Bawat isa sa mga daang-espiritwal ay may partikular na binibigyang-halaga. Ang mga Pransiskano'y nakatuon sa payak na pamumuhay. Ang mga Heswita ay may pagpapahalaga sa "discernment" o sa pag-aninaw sa kalooban ng Diyos, at sa pagkilala sa Kanya sa lahat ng sitwasyon at sandali. Ang mga Dominikano naman ay nagbibigay-diin sa pagtuturo ng Salita ng Diyos, at sa buhay-intelektwal.
'Yan ang ilan lamang sa mga spiritualities na tinatalakay sa episode na ito ng Alam Ba Niño.
Tandaan lamang ito—walang partikular na daang-espiritwal ang mas magaling kaysa sa iba. Hindi magkakaribal ang mga Catholic spiritualities. Alinman ang piliin mong isabuhay, depende sa iyong natural na disposisyon, lahat sila'y daan na si Kristo ang hangganan.
Ikaw, may tanong ka rin ba tungkol sa ating pananampalataya?
Mag-message lang sa Viva Señor Network, o i-comment mo ang iyong tanong sa baba, para makita ng Parish Evangelization Team, at masagot sa mga susunod na episode!