07/08/2025
TINGNAN | Pagtatapos ng Class of 2025 mula sa Alternative Learning System (ALS) sa Lungsod ng Bacoor
Matagumpay na nagtapos ang 352 mag-aaral mula sa Alternative Learning System (ALS) sa Lungsod ng Bacoor ngayong araw, ika-5 ng Agosto na may temang Henerasyon ng Pagkakaisa: Kaagapay sa Bagong Pilipinas, isang mahalagang seremonya na pinangunahan ng mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon at Lokal na Pamahalaan.
Layunin ng ALS, isang programa ng Department of Education, na matulungan ang mga "out of school youth" na makabalik sa pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makamit ang kanilang karapatang makapag-aral at magsimula ng bagong kabanata sa kanilang buhay.
Sa seremonya, pinangunahan ni Dr. Babylyn M. Pambid, CESO VI, Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan, kasama sina Dr. Alexander M. Morron Jr, Hepe, Sangay sa Implementasyon ng Kurikulum at Dr. Leonora M. Medina, Superbisor sa Programang Edukasyon sa Filipino at ALS, ang pagbibigay ng mga parangal at pagbati sa mga nagsipagtapos. Kasama rin sa seremonya sina Kgg. Strike B. Revilla, Punong Lungsod ng Bacoor; Kgg. Rowena B. Mendiola, Pangalawang Punong Lungsod; at Kgg. Lani Mercado-Revilla, Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Cavite.
Isang espesyal na mensahe ng inspirasyon ang ibinahagi ni G. Joshua Ferreras Esguerra, isang dating ALS graduate sa Lungsod ng Bacoor, na ngayoโy isang matagumpay na Trust and Safety Analyst sa Accenture, Inc. Ikinuwento niya ang kanyang paglalakbay mula sa pagiging out of school youth hanggang sa pagtamo ng tagumpay, na nagsisilbing inspirasyon sa mga kasalukuyang mag-aaral at kanilang pamilya.
Patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan at ng DepEd sa mga mag-aaral na nagsusumikap na makapag-aral upang makamit ang kanilang mga pangarap.