13/02/2026
Dati pagmamaneho, harap, likod, kaliwa at kanan lang ang tinitingnan natin.
Baka may biglang tumawid.
Baka may batang sumulpot.
Baka may motor sa blind spot.
**Ngayon, parang kailangan na rin nating tumingin sa taas.**
Baka may taong mahulog.
Isang iglap. Isang segundo. Isang buhay ang nawala.
Nakikiramay ako sa pamilya ng namatay. Walang salitang makakapagpagaan ng sakit ng mawalan ng mahal sa buhay.
Pero may isa pang buhay na sabay ding gumuho — yung driver.
Sa mga dashcam na kumalat, makikita namang maayos ang takbo. Tamang bilis. Walang pagwawala. Walang kapabayaan.
Pero sino ba ang handang may mahuhulog na tao mula sa taas, eksaktong sa harap ng sasakyan mo?
Kung sino man ang nasa manibela sa sandaling ‘yon… malamang pareho din ang mangyayari.
Ang mas masakit?
Sa sistema natin, kahit malinaw na hindi mo kasalanan, makukulong ka muna habang umiikot ang proseso. “Due process” daw.
Pero gaano katagal ang due process sa Pilipinas?
Buwan? Taon? Dekada?
Habang umaandar ang kaso, tumitigil ang buhay ng isang taong maaaring inosente.
Paano kung siya ang breadwinner?
Paano kung siya lang ang may trabaho?
Paano ang mga anak niya?
Sino ang bubuhay sa pamilya habang siya nakakulong sa kasalanang hindi niya sinadya?
Hindi ba pwedeng kung may malinaw na CCTV o dashcam na patunay na hindi niya fault, ma-resolve agad?
Hindi ba pwedeng within 24 oras malinawan na ang lahat kung malinaw ang ebidensya?
Hindi ba pwedeng hindi agad kulong kung hindi naman reckless?
Hindi kasalanan ng driver kung may pinagdadaanan ang taong tumalon.
At paano kung may sarili rin siyang pinagdadaanan?
Baka ang iniisip lang niya noon ay pambayad ng kuryente. Pang-tuition ng anak. Pang-gatas.
Sa isang iglap, may namatay.
Sa isang iglap, may nakulong.
Dalawang pamilya ang nasira.
Nakakalungkot na minsan, parang mas mabilis pa tayong magparusa kaysa umintindi.
Hindi natin kailangang maghanap ng masisisi kung malinaw naman ang katotohanan.
Hustisya dapat para sa lahat — hindi lang para sa namatay, kundi pati sa inosenteng nadamay.
Mahirap mahalin ang bansang mahal mo…
kapag pakiramdam mo, hindi ka kayang ipaglaban ng batas kapag ikaw ang walang kasalanan.