07/05/2025
𝐎𝐩𝐢𝐧𝐢𝐨𝐧| 𝐁𝐲 𝐒𝐀𝐅𝐄𝐥𝐢𝐜𝐢𝐭𝐲
“𝙃𝙪𝙧𝙤𝙩 𝙨𝙖 𝙢𝙪𝙝𝙖𝙩𝙖𝙜 𝙙𝙤𝙤𝙣 𝙚𝙡𝙚𝙠𝙨𝙮𝙤𝙣. 𝙄𝙣𝙜 𝙗𝙤𝙩𝙤𝙝𝙖𝙣 𝙠𝙤 𝙠𝙖𝙮 𝙙𝙖𝙬 𝙨𝙞𝙣𝙤 𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙗𝙖𝙜𝙖𝙨 𝙞𝙣𝙜 𝙝𝙖𝙩𝙖𝙜.”
‘Yan ang unang pumunit sa katahimikan ng umaga ko. Mainit pa ang kape sa tasa, pero mas mainit ang pakiramdam ko sa narinig ko.
Para bang binuhusan ako ng malamig na tubig habang tinutudla ng tanong: Pera-pera nalang ba talaga? Wala na bang saysay ang mga plataporma ng bawat kandidato para sa Halalan? Ganito na ba talaga kababaw ang pamantayan ng boto ngayon?
Masakit. Nakakagalit. Nakakahiya.
Tila ba ang boto ay naging sukatan ng presyo, hindi ng prinsipyo. Parang tindahan na ang halalan, may bentahan, may palitan, may patagong transaksyon. Ngunit ang pinaka nakakabahala? Tanggap na ito ng marami. Tanggap na ang mali, basta may makuha. Basta may barya, may kandidato.
Ito ang mukha ng eleksyon sa mata ng marami, hindi isang sagradong tungkulin, kundi isang palabas. Isang bentahan ng dangal. Isang patimpalak ng kasinungalingan kung saan ang pinakamabango ang bulsa, siya ang may trono.
Kaming mga kabataan, hindi pa nga kami makakaboto, pero alam na namin kung sino ang iboboto ng karamihan. At alam din namin kung bakit. Kasi may bigas, may balde at tabo, at may isanlibo.
At kahit hindi pa kami botante, ramdam na ramdam na namin ang bulok na kalakaran. Hindi pa kami bahagi ng talaan ng mga botante, pero kitang-kita na naming kung sino ang itutulak pataas, hindi dahil may kakayahan, kundi dahil may pambayad. Hindi dahil may plataporma, kundi dahil may palimos.
Hindi kailangang may tinta sa hintuturo para magkaroon ng tinig. Hindi kailangang may balota para magsabi ng totoo. Dahil kami ang susunod na henerasyon na magdurusa sa mga maling desisyong ginagawa ngayon. At kung patuloy tayong magbubulag-bulagan, baka sa huli, wala nang matirang dangal sa sistemang minsan nating pinangarap na baguhin.
Mga kapwa ko kabataan, tayo ang magpapanday ng kinabukasan. Sa panahon ng halalan, hindi tayo palamuti. Hindi tayo tahimik na tagamasid. Tayo ang apoy na dapat magpagising sa natutulog na diwa ng bayan.
Bilang kabataan, dapat tayong maging mata ng mga bulag sa katotohanan, tinig ng mga natutulog sa sistema, at konsensya ng mga nakalimot kung para saan talaga ang boto. Hindi ito bentahan. Isa itong karapatan na dapat ginagamit hindi para sa sarili, kundi para sa bayan.
Maging mapanuri, makialam, at magtanong. Huwag basta maniwala sa ngiti at pangakong matatamis. Tumingin sa gawa, hindi sa galaw. Tumimbang ng puso, hindi ng sobre.
At kung darating ang araw na tayo na ang may hawak ng boto, itaga natin sa bato: Hindi tayo magpapagamit. Hindi tayo magpapabili. At hindi tayo magiging kasangkapan ng kabulukan.
Sapagkat ang halalan ay hindi dapat pinaglalaruan. Ito ay laban para sa kinabukasan. At sa laban na ito, ang kabataan ang pinakamahalagang sandata ng pag-asa.
Photo Source: Spot PH
• • • •
DISCLAIMER: THIS POST WAS NOT INTENDED TO CAUSE ANY HARM TO THE INDIVIDUALS OR OPPOSE ONE’S OPINION BUT RATHER TO SHARE INSIGHTS ABOUT THE CONTEMPORARY ISSUES OF OUR SOCIETY.