07/12/2025
TRIGGER WARNING: Su***de
Sinong mag-aalaga sa mga nag-aalaga sa kawan?
Sinong makikinig sa mga nakikinig sa mga daíng?
Sinong magliligtas sa mga tagapagligtas?
O inaakala ba ng kawan na hindi napapagod ang kaniyang pastol?
O na walang gustong sabihin ang mga tagapakinig?
At hindi mapatutumba ng sinuman ang isang tagapagligtas?
Unang palapag:
Hindi ko maguniguni ang ingay ng kalooban habang pinapanhik mo ang bawat hagdanan
Patungo sa iyong hinahangad na kapayapaan
Ni hindi ko mawari ang pinagdaraanan ng tulad mong imahen ng katatagan
At kapanatagan sa mga taong iyong tinutulungan.
Ikalawang palapag:
Hindi ko maisip na sa bawat ngiti ng iyong pagpapala sa iba
Nagdurugo ka't nagluluksa. Na may iniinda kang kirot sa púso
At walang nakababatid ng mga sugat mo sapagkat
Inaalala ka naming malakas, matibay, at di natitinag.
Ikatlong palapag:
Hindi ko maiisip na ang iyong katapangan
At katatagan ay magpapasiyang piliin ang isang kapayapaang
Na wala nang hapdi at pait na hindi nakikita ng sinoman
Sapagkat larawan ka ng buo at walang kapintasan.
Ikaapat na palapag:
Hindi ko mailalarawan na ang ngiting nakamaskara
Sa likod ng lumuluhang matang nagmamakaawang
Sana matapos na ang mga lihim na pighati ng iyong pag-iisa
Sa gitna ng maraming tao mahigpit na kumakapit sa iyong mga kamay.
Ikalimang palapag:
Hindi mo na sig**o kinaya ang ingay ng iyong kalooban
At ang katapangan mong kanilang hinahangaan
Sapagkat sa katotohanan, may mga hiyaw kang hindi mo maibulalas
Sa gitna nilang lahat sapagkat ikaw dapat ang maging kaligtasan.
Ngunit sino nga ba ang nag-alaga sa iyo na nagpapastol sa kawan?
Sino nga ba ang nakinig sa iyong mga hinaing?
Sino ang hinihintay mong magliligtas sa iyo sa huling sandali?
Sa huli, nais mong maipinta kang matapang
Sapagkat nakuha mong talunin ang takot mo sa pagkalula at kawalan.
*Nalikha ang tula matapos marinig ang balita ng pagkawala ng isang g**o sa Sikolohiya sa kabilang kolehiyo. Hindi ko siya personal na kilala. Pero, pakiusap, kumustahin natin ang ating mga tagapangalaga 🙏