19/10/2025
Kultura, Sining, at Pagnenegosyo: SLU BEdS-HS,
Nagsanib-Puwersa sa Isang Makulay na Pagdiriwang
Oktubre 17, 2025 — Naging isang makulay at masiglang pagtitipon ng iba't ibang kultura ang Saint Louis University Basic Education School HS (SLU BEdS-HS) matapos na idaos ang isang pambihirang pagdiriwang para sa Indigenous People's Month, United Nations Day, at Entreprenuership Day.
Sa temang “Ating Pandayin ang Kinabukasan, Gabay ang Katututong Katarungan at Karapatan,” ipinamalas ng paaralan ang kanilang malalim na pagpapahalaga sa katutubong karunungan at pandaigdigang pagkakaisa sa isang programang pumuno sa Charles Peter Covered Court ng musika, sayaw, at sining.
Sinimulan ang pagdiriwang sa isang taimtim na panalangin, na agad sinundan ng isang mapang-akit na Culture Dance na nagpakita ng mayamang tradisyon ng Pilipinas. Nagbigay ng pambungad na pananalita si G. Alejandro P. Pablico, ang prinsipal ng BEdS, at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-alaala at pagbibigay-pugay sa mga katutubong komunidad bilang pundasyon ng kinabukasan.
Sunod-sunod na pagtatanghal mula sa iba't ibang antas ang bumighani sa mga manonood. Namangha ang mga mag-aaral sa parada ng mga banner na naglarawan ng mga tema ng katarungan at karapatan na masusing iginuhit at kinulayan ng mga mag-aaral mula sa Baitang 8. Naghandog ng isang musikal na presentasyon ang mga mag-aaral ng Baitang 9, at nakiisa sa pag-awit ang buong komunidad. Isa sa pinakainabangang bahagi ng programa ay ang pagrampa ng mga piling mag-aaral mula sa Baitang 10. Suot ang mga malikhaing kasuotan na gawa mismo ng kani-kanilang klase, ipinakita nila ang pagiging mapamaraan at artistikong pagdisenyo ng mga kasuotan. Hindi rin nagpahuli ang Society of Performing Arts (SPA), na nagpamalas ng kanilang kahusayan sa isang makapangyarihang pagtatanghal, na nagpakita ng iba't ibang kultura sa pamamagitan ng galaw at sayaw.
Umalingawngaw ang hiyawan at tawanan sa buong court nang simulan ang Community Dance. Inanyayahan ng mga mananayaw ang mga g**o at mag-aaral na makiisa, na lumikha ng isang di malilimutang sandali ng pagkakaisa at saya. Sa pagtatapos ng programa, kinilala at pinarangalan ang mga nagwagi sa iba't ibang patimpalak, bago muling nagsalita si G. Pablico para sa kanyang pangwakas na pananalita.
Ngunit hindi doon natapos ang kasiyahan. Ang pagdiriwang ay nagbigay-daan din sa Entrepreneurship Day, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maglibot sa iba't ibang booth. Pinangunahan ito ng mgaklase mula sa ika-11 Baitang, na nagpakita ng kanilang mga produkto at serbisyo. Lalo pang nagbigay-sigla sa kaganapan ang presensya ng Etag TV, na aktibong nakisalamuha sa mga mag-aaral at g**o.
Ang pinagsamang pagdiriwang na ito ay hindi lamang nagpakita kung gaano kakulay ang kultura ng bawat tribo at bansa, kundi nagpatunay rin na sa SLU BEdS, ang bawat tradisyon—maliit man o malaki—ay binibigyang-halaga, tinitingala, at hindi kailanman kinakalimutan.
Pagkilala:
✍️: Zarate, G.
📸:Gng. E.Cadiao, Gng. M.Pugoy, Alim, C., Bonifacio, R., Daccog, K., Jacob, P., Mataya, C., Penaso, F., Rojo, M.