21/09/2025
Huwad na HustiSiya
Lubos kong kinakatigan ang kilos-protesta laban sa korapsyon ng mga tiwaling politiko at opisyal na patuloy na nagpapahirap sa bayan. Ang ating tinig ay dapat marinig, sapagkat ang galit at hinagpis ng sambayanan ay hindi na maitatanggi. Ngunit nakapanghihilakbot na sa halip na marinig ang ating panawagan, may mga nagaganap na patayan at karahasan sa lansangan. Ang dugo ng mga inosenteng sibilyan at maging ng ilang pulis na tapat sa tungkulin ay nadadagdag sa kasaysayan ng ating laban. Ito ba ang uri ng pagbabago na ating hinahangad?
Ngayong National Protest Day, tinatayang 50,000 katao ang nagtipon sa Luneta at libo-libo pa sa EDSA. Ngunit ilang grupo ang nauwi sa marahas na aksyon ilan sa mga ito ang paghahagis ng bato, pagsusunog ng gulong, pananakit sa mga pulis, at mga engkuwentrong humantong sa pagkamatay ng ilan. May naitalang 17 katao ang inaresto, habang ang mga pulis at demonstrador ang sugatan. Sa halip na maging sagisag ng pagkakaisa at pagkilos, ang ating mga panawagan ay nababahiran ng takot, dugo, at kaguluhan. Ang katotohanang β±118.5 bilyon ang ninakaw mula sa flood control projects ay higit na dahilan upang lumaban tayo, ngunit dapat itong gawin sa paraang hindi nadaragdagan ang libingan ng bayan.
Bilang kabataan, hindi tayo maaaring manahimik o matakot. Tungkulin nating igiit ang malinis na pamahalaan, hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi sa mas organisadong, mapayapa, at matalinong pagkilos. Ang ating sigaw ay dapat maging mas malakas kaysa bala, mas malinaw kaysa usok ng sinunog na gulong, at mas matibay kaysa takot na idinudulot ng karahasan. Nananawagan ako sa kapwa ko kabataan tayo ang kinabukasan ng bayan, huwag nating hayaang ang laban ay maging libingan, gawin nating itoβy liwanag. Sama-sama tayong manindigan, kumilos, at magbigay-diin na ang tunay na pagbabago ay nakukuha lamang sa pagkakaisa, tapang, at kapayapaan.
Ating sanang pagkakatandaan bilang Pilipino na tayo ay dapat bumuo ng pagbabago, isang pag-asa at hindi panibagong sugat na magdadagdag sa pagkalugmok ng ating pagka-Pilipino.