01/06/2026
Karapatan at Pagkilala, Isinusulong ng LGBTQ+ Leaders sa Cordillera
Naging sentro ng talakayan ang karapatan at pagkilala sa ginanap na Third Regional Session ng Cordillera Pride Community Leaders o CPCL ngayong araw June 1, 2026 sa Baguio City Hall, kung saan nagsama-sama ang mga lider at kinatawan ng iba't ibang organisasyon LGBTQ+ mula sa rehiyon.
Ayon kay Ms. Althea Marie Latuhan, Advocacy and Policy Director ng CPCL, layunin ng pagtitipon na palakasin ang pagkakaisa, kolaborasyon, at pagtugon sa mga isyung kinahaharap ng LGBTQ+ community sa Cordillera.
Isa sa mga pangunahing usapin ang Right-to-Care Ordinance, na magbibigay ng pagkilala sa mga LGBTQ+ partner bilang healthcare proxies sa pamamagitan ng isang Right-to-Care card. Kapag naipatupad ang ordinansa, maaari nitong pahintulutan ang mga partner na makilahok sa mahahalagang desisyong medikal sa oras ng pangangailangan.
Tinalakay rin sa sesyon ang pagpapalakas ng mga umiiral na anti-discrimination measures at ang panukalang pagtalaga ng isang opisyal na LGBT Day sa Baguio City. Ayon sa mga kalahok, mahalaga ang malawakang public consultation upang matiyak na maririnig ang boses ng mismong komunidad bago maisabatas ang mga panukala.
Samantala, binigyang-diin ni Mr. Ryan Javier, Program Director ng CPCL, ang pangangailangan ng mas malawak na suporta mula sa civil society upang mapabilis ang pagpasa ng mga ordinansa at maisulong ang mas inklusibong mga polisiya.
Sa huli, ipinabatid sa sesyon na para sa LGBTQ+ community sa Cordillera, ang Pride ay hindi lamang pagdiriwang kundi patuloy na pagsusulong ng karapatan, pagkilala, at pagkakapantay-pantay.
✍🏻: Allayza Crizzette Tolentino, Big Sound - UC Intern
📷: Fyssa Gamboa, Big Sound - UC Intern