14/10/2025
Unang locally funded na MRI facility sa Pilipinas, nagbukas sa Bulacan
LUNGSOD NG MALOLOS- Nagbukas sa lalawigan ang unang locally funded na Magnetic Resonance Imaging (MRI) facility sa buong bansa sa pagpapasinaya ng Bulacan Medical Center ng MRI Section ng Department of Radiology sa lungsod na ito ngayong araw.
Sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang pagbubukas ng MRI unit ay malaking hakbang sa pagtupad ng kanyang pangarap, ang legasiyang nais niyang iwanan sa lalawigan, ang pagkakaroon ng abot-kaya, ligtas, at de-kalidad na serbisyong medikal para sa lahat ng mga Bulakenyo.
“Natupad na po ang pangarap natin. Matagal na po nating pangarap ito, na magkaroon sa BMC ng ganitong high-tech na medical equipment. Ngayon, hindi na kailangang gumastos nang malaki o bumyahe ng malayo para sa MRI scan dahil mayroon na tayong sariling world-class MRI unit na kayang magsagawa ng detalyado at komprehensibong pagsusuri sa iba’t ibang bahagi ng katawan,” anang gobernador.
Pinaalalahanan din ng People’s Governor ang lahat ng doktor at nars na paglingkuran ang publiko ng may ngiti.
“Lalo na kung sa public hospital ka nagse-serve, kailangan mong ngumiti kahit na pagod na pagod ka na. Tandaan natin na we are all public servants. We need to serve the people. Lalo na ‘yung mga walang pera dahil nakikita naman natin ang hirap ng buhay ngayon,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Dr. Alberto D. Gabriel, pinuno ng Department of Radiology, na ang makina, na kadalasang ginagamit sa pag-scan ng utak, gulugod, tuhod, muscles, at tiyan, ay makapaglilingkod sa walo hanggang 10 pasyente kada araw, at plano nilang patakbuhin ito mula Lunes hanggang Linggo.
“Para sa mga minamahal kong Bulakenyo, available na po ang ating MRI dito sa Bulacan Medical Center. Pumunta lamang po kayo dito at kayo ay aming paglilingkuran,” ani Gabriel.