03/05/2026
LOCAL NEWS
AURORA BUS, NAHULOG SA BANGIN, 5 KATAO NASAKTAN
Limang katao ang nasaktan kabilang na ang driver at
konduktor makaraang mahulog sa may 20 talampakang bangin ang Aurora Bus sa bulubunduking bahagi ng Ma. Aurora-Pantabangan road sa Sitio Dimotol, Brgy. Dianawan, Ma. Aurora, Aurora bandang alas-10:31 ng umaga nitong Miyerkules.
Batay sa pagsisiyasat ng Ma. Aurora PNP, ang kulay pink na Golden Dragon passenger bus na may body number 15818 at plate no. NCF3646 ay papunta ng Cabanatuan City galing ng Baler lulan ang 41 pasahero ng hindi makayanan pag-ahon sa matarik na bahagi ng lansangan.
Namatay ang makina ng bus at habang pilit itong pinaaandar ng driver ay umatras ang bus na nagresulta sa pagbulusok sa bangin kung saan ay tumama pa ang likurang bahagi nito sa box culvert bago tuluyang nahulog.
Sa pamamagitan ng mga rumespondeng mga tauhan ng MDRRMO Ma. Aurora ay agad na nilapatan ng paunang lunas ang sugatang pasahero
pati na ang driver at konduktor pero tumangi na ang mga ito na magpadala sa ospital.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pinsala ng bus.
Dahil sa insidente, nagpaalala sa publiko partikular sa mga motorista ang Aurora Police Provincial Office sa pamumuno ni acting Provincial Director P/Col. Percival Pineda na gawin ang masusing pagsusuri sa sasakyan bago magbiyahe para matiyak ang kaligtasan sa paglalakbay.
Ipinaalala din ni Col. Pineda na ang kaligtasan ng mga mananakay ang manatiling top priority ng lahat ng mga motorista sa panahon ng pagbibiyahe.BR