31/08/2025
๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | Kultura at Wika: Salamin ng mga Pilipino
Kultura at wika, dalawang simpleng salita na sumasalamin sa pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino. Ito ang kulay ng ating bansa, sapagkat tayo ay puno ng sari-saring kasanayan, tradisyon, lengguwahe, at kalinangan, na patuloy na nagtatagpi ng ating natatanging kultura. Sa kapuluuang binubuo ng mahigit na 7,000 isla, hindi maikakait na ang ating kultura ay naliligiran ng yaman, na kailanman ay hinding-hindi matatapatan.
Mula sa mga pistang ipinagdiriwang gaya ng Sinulog sa Cebu, Ati-Atihan sa Aklan, at Pahiyas sa Lucban, hanggang sa mga tradisyunal na kaugalian tulad ng bayanihan at pagmamano, tunay na makikita ang kulay at yaman ng Pilipinas.
Kilala ang bansa sa malawak nitong kultura na galing sa impluwensiya ng ibaโt-ibang dako ng mundo. Tulad na lamang ng mga katutubong sayaw, wika, at musika; mga Espanyol na nagpakilala ng Kristiyanismo; at mga Amerikano na nagpalaganap ng edukasyon, ang mga ito ay simbolo ng ating pagkakakilanlan, na nagpapakita na sa kabila ng mga kasaysayan at pagsubok, nananatili tayong matatag, malikhain, at malaya bilang isang bansa.
Ngunit, ang sentro ng ating kultura, ay ang ating wika. Hindi lamang ito salita na ating nakasanayan, kundi isang daan upang tayo ay magkaisa at tumindig; isang testamento ng ating masaganang kultura. Ayon sa Ethnologue, ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit 180 na katutubong wika. 180 na ibaโt-ibang uri ng lengguwahe upang masambit ang ibaโt-ibang klase ng mensaheng nais na iparating.
Ito ay isang instrumento na nagpapasa ng mga karanasan, kaalaman, sawikain, at mito, na nagtuturo sa atin ng kasaysayan at kultura. Ang mga katutubong awit gaya ng โLeron, Leron Sintaโ at โMagtanim ay Di Biroโ na ating nakalakihan, ay naglalarawan ng buhay at kultura ng mga Pilipino. Nang dahil sa ating wika, naipapasa sa bawat henerasyon ang mga aral, tradisyon, kabuhayan, at paniniwala ng ating mga ninuno na bumubuo sa ating kultura ngayon. Ito rin ang nagsisilbing boses ng bansa upang magka-isa at maging malaya.
Subalit sa kasalukuyan, unti-unti nang natatabunan ang kahalagahan at kakanyahan ng kultura at wika ng ating bansa, lalo na sa mga kabataan. Ito ay dulot ng globalisasyon, na putuloy na kumikitil sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Ang mga mamamayan ay mas nagiging bukas sa mga impluwensiya ng ibang bansa, na ang ating sariling kasanayan ay patuloy na napagsasawalang-bahala.
Kaya naman ngayong Buwan ng Wika, higit pa sa ating Pambansang Wika ang ating iginugunita, kundi pati na rin ang ating kultura at kasaysayan, na nagsisilbing salamin ng ating pagkakakilanlan at pagkakaisa. Hindi lamang sa buwan ng Agosto natatapos ang pagpapahalaga sa ating kultura at wika, patuloy natin itong mahalin, pahalagahan, at ipagmalaki araw-araw, dahil ang bawat salitang ating binibigkas at ang bawat kaugaliang ating isinasabuhay ay salamin ng ating pagkilala sa kultura at wikaโ isang pamana na dapat ipasa.
---
Isinulat ni Eris Rodriguez
Disenyo ni Maxene Santos